May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Pagninilay sa buhay, gasolina sa trabaho at hanapbuhay—lay preacher

#BalitaExclusives: Pagninilay sa buhay, gasolina sa trabaho at hanapbuhay—lay preacher
Photo courtesy: George Bersabe (FB)/Freepik

Sa mundong mabilis ang takbo at tila walang pahinga ang bawat araw, may mga taong pinipiling huminto—hindi upang mapag-iwanan, kundi upang mas lalo pang maunawaan ang kahulugan ng buhay.

Isa na rito si George L. Bersabe, o tinatawag din bilang "Tatay Geo" o "Sir Geo," 60 taong gulang, isang dating guro sa junior high school, kolehiyo at ngayon ay isang lay preacher na patuloy na nagbibigay-liwanag sa landas ng iba sa pamamagitan ng recollection at retreat.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa lay preacher, mahigit tatlong dekada nang ginagampanan ni Sir Geo ang pagiging recollection at retreat master—isang bokasyong nagsimula pa noong 1988.

Ngunit para sa kaniya, hindi lamang ito isang trabaho o gawain; isa itong patuloy na paglalakbay ng pananampalataya at pagbabahagi ng sarili sa kapwa.

MULA SIMBAHAN PATUNGONG SILID-ARALAN

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Nagsimula ang kaniyang landas sa loob ng seminaryo, kung saan nahubog ang kaniyang pundasyon sa pananampalataya. Bagama't hindi siya nagpatuloy sa pagpapari, dala niya ang mga aral at karanasang iyon sa kaniyang pagiging guro ng Religion at Religious Studies sa mga pribadong paaralan.

“Hindi naman nalalayo ang pagbibigay ng recollection at retreat sa pagtuturo ko. Kaya sa simbahan, nakapagbibigay ako ng recollection na halos kahawig din sa mga itinuturo ko sa paaralan. Dahil sa aking involvement sa simbahan kaya ako nabigyan ng pagkakataon na magbigay ng recollection at retreat," aniya.

Dahil sa kaniyang aktibong pakikilahok sa simbahan, nabigyan siya ng pagkakataong magsilbing gabay sa mga taong naghahanap ng direksyon at kahulugan sa buhay—isang tungkuling kanyang niyakap at pinagyaman sa loob ng maraming taon.

Sa kabila ng haba ng kaniyang karanasan, nananatiling malinaw para kay Sir Geo ang kahalagahan ng pagiging balanse sa buhay. Para sa kaniya, ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng gawain, kundi sa kalidad ng pagganap sa bawat isa.

“Ang ‘balanced’ ibig sabihin pareho kang mahusay sa bawat gawain at patuloy mo itong pinaghuhusay,” paliwanag niya.

"Proper scheduling lang at tamang preparasyon sa bawat gawain," aniya pa. 

Sa pamamagitan ng maayos na iskedyul at sapat na paghahanda, nagagawa niyang pagsabayin ang kaniyang tungkulin sa pamilya, trabaho, at bokasyon.

TRABAHO VS. HANAPBUHAY

Isa sa mga pinakamahalagang pananaw na ibinahagi ni Sir Geo ay ang pagkakaiba ng trabaho at hanapbuhay—dalawang salitang madalas na pinagsasama, ngunit may malalim na pagkakaiba.

Para sa kaniya, ang trabaho ay marangal na paraan ng pagkita para sa pamilya, samantalang ang hanapbuhay ay ang mas malalim na paghahanap ng kahulugan sa buhay—isang personal na pagtugon sa tanong na, “Ano ang hinahanap mo sa buhay?”

"Trabaho... hanapbuhay. Magkaiba pero magkaugnay, hindi maaring maghiwalay. Parehong mahalaga sa ating buhay," paliwanag ni Sir Geo.

"Trabaho, ito ang ating 'bread and butter,' lagi itong nauugnay sa materyal na bagay tulad ng suweldo, kita, bonus, may oras ng pagpasok at may boss na pag-aalaman kung liliban. Masaya ang buhay kung may pera sa trabaho."

"Sa hanapbuhay, literally, gawain mo pero may tanong na ano ang hinahanap mo sa buhay? Di laging nakakonekta sa pera o ano mang materyal na bagay, at higit sa lahat, may galak na hatid kasi nararanasan mo ang malalim na kahulugan na mabuhay."

"Kailangan magtrabaho, pero mas mahalaga na may hanapbuhay."

"Maaaring wala na ako trabaho pero di ako kailanman mawawalan ng hanapbuhay."

"Kaya, dalhin ang hanapbuhay (meaning of life) sa trabaho. Huwag lang saya ang hanapin, magalak ka rin."

Para kay Sir Geo, hindi sapat na kumikita lamang; mahalaga ring maramdaman ang saya at kabuluhan sa bawat ginagawa.

GALAK SA PAGLILINGKOD

Hindi lamang kasiyahan ang hatid ng kaniyang bokasyon—kundi isang malalim na kagalakan.

Sa bawat retreat at recollection na kaniyang pinangungunahan, nakikibahagi siya sa kuwento ng iba, at sa prosesong ito, mas lalo niyang nauunawaan ang kaniyang sariling pananampalataya.

“Kasama mo sila sa paglalakbay,” ani Bersabe. “Sa pakikinig mo sa kanilang mga kwento, lumalalim din ang iyong pagtingin sa kahulugan ng buhay.”

PANAHON NG PAGHINTO: ANG DIWA NG SEMANA SANTA

Sa gitna ng ingay at abala ng makabagong panahon, binibigyang-diin ni Sir Geo ang kahalagahan ng pagninilay—lalo na ngayong Semana Santa.

Para sa kaniya, ang pagdiriwang ng banal na linggo ay hindi lamang tradisyon, kundi isang anyo ng hanapbuhay. Isang pagkakataon upang pansamantalang huminto sa trabaho at muling hanapin ang tunay na kahulugan ng pananampalataya.

“Hinto muna tayo sandali sa trabaho, maghanapbuhay naman tayo,” wika niya—isang paanyayang bumalik sa sarili at sa Diyos.

"Kaya ang Semana Santa, para sa akin, ay isang hanapbuhay kasi hinahanap mo ang buhay dito, ang kabuluhan ng iyong pag-inog o existence na nakaugat sa iyong pananampalataya sa Panginoon."

"Mahalaga itong ipagdiwang, huwag lang alalahanin o gunitain dahil ang pag-aalaala rito ay pag-anyaya sa atin na muli nating tingnan ang ating relasyon sa Diyos na nag-alay ng buhay sa atin. Ang pagninilay ay magdadala sa atin sa Kaniyang sakripisyo na magpapalalim ng ating pananalig sa Kaniya."

Sa kaniyang edad at haba ng serbisyo, malinaw ang direksyon ni Sir Geo: ipagpatuloy ang kaniyang misyon hanggang sa huli.

“Ito na ang aking buhay,” aniya. “Maaaring dito na rin ako mamamaalam sa mundo.”

MENSAHE PARA SA LAHAT

Sa pagtatapos ng panayam, iniwan ni Sir Geo ang isang paalala na tumatagos sa puso—lalo na sa panahong ito ng pagninilay.

"Sa mga kapwa ko Kristiyano: Ang Semana Santa ay ang muli nating pagkamulat sa pagiging spiritual being natin na mas higit sa pagiging religious."

"Maraming religious activities ang maaari nating samahan sa darating na Holy Week, maging daan nawa ito upang tayo ay lumalim sa ating spirituality; ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya, ito ang ating hanapbuhay."

“Magnilay, manalangin, at muling damhin ang kahulugan ng buhay- pananampalataya. Wala nang hihigit pa sa buhay na ito—ang buhay ng isang taong isinasabuhay ang buhay ng nabuhay na Kristo sa Kaniyang pagkatao.”

Sa huli, ang kuwento ni Sir Geo ay hindi lamang tungkol sa isang tao—kundi tungkol sa paalalang sa gitna ng ating trabaho at paghahanap ng ikabubuhay, huwag nating kalimutan ang mas mahalagang paghahanap: ang kahulugan ng ating buhay.