May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Debosyon ng aktor, direktor na 2 dekada nang nagse-Senakulo!

#BalitaExclusives: Debosyon ng aktor, direktor na 2 dekada nang nagse-Senakulo!
Photo courtesy: via Jay-jay Catapangan

Sa paggunita ng Semana Santa o Mahal na Araw, isa na sa mga pangunahing tiyak na makikita o mapapanood dito ay ang pagsasagawa o pagsasadula ng ilang mga grupo mula sa simbahang Katoliko ng senakulo. 

Isang tradisyunal na dula sa Pilipinas na isinagawa tuwing Mahal na Araw kung saan ikinukuwento nito ang naging buhay, pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.

Madalas na isinasagawa ng mga Pilipino ang senakulo tuwing Mahal na Araw, partikular sa kadalasang napapanood ng publiko tungkol dito ay ang pagdakip, paglilitis, at pagpapahirap kay Hesus. 

Maaaring karamihan ng mga Pinoy ay nakapanood na kung paano hampasin nang hampasin at pahirapan ng mga kawal ang mga gumaganap na Kristo sa ilalim ng tirik na araw sa gitna ng kalsada, nakapaa, pasan ang mabigat na krus, at hingal sa sarili nilang debosyon at panata. 

Ngunit upang higit pa itong maintindihan, ano-ano nga ba ang dahilan ng mga gumaganap na Kristo sa desisyon nilang danasin ang tila halintulad sa mapait na sinapit ni Hesus at gaano kahirap ang pagbuo nito para sa mga production o direktor na nasa likod ng pagsasagawa ng ganitong dula? 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Ayon sa naging eksklusibong panayam ng Balita kay Jay-jay Catapangan, 35, mula sa Pagbilao sa probinsya ng Quezon, ibinida niyang ang nasabing bayan ang isa sa kinikilalang sentro ng senakulo sa nasabing probinsya. 

Ani Jay-jay, 2013 nang magsimula siyang gumanap bilang si Hesus sa senakulo at muli raw itong naulit noong 2023, makalipas ang isang dekada. 

“Nagsimula akong gumanap bilang Kristo noong year 2013. Then after 10 years, napili ako ulit na mag-Kristo [sa Senakulo]. Kaya’t mahigit isang dekada na rin ‘yong lumipas o ‘yong pagitan noong nakabalik ako bilang Kristo,” pagsisimula niya. 

Aniya, 2015 naman daw noon nang magsimula siyang maging derektos sa pagsasagawa ng dula ng Senakulo hanggang sa kasalukuyan. 

“Pagdating naman sa pagde-direct, nagsimula ako 2015 noong nakita ko ‘yong pangangailangan no’ng mga kabataan na gusto ng pumasok sa teatro. Lalong lalo na doon sa senakulo,” saad niya. 

Paglilinaw niya, 2006 daw nang masimulan niyang sumali at makiisa sa pagsasagawa ng senakulo sa Pagbilao sa probinsya ng Quezon. 

“Tanda ko ‘yong kauna-unahan kong [pagsali] sa Senakulo is grade 6 ako at ‘yon ay graduation ko pa… pagkatapos na pagkatapos kong grumaduate, nagtanggal lang ako ng toga, dumiretso ako sa Patio ng simbahan at sumali ako sa Senakulo… Since year 2006, nasa Senakulo na ako,” ‘ika niya. 

Kung susumahin, humigit-kumulang dalawang dekada na siyang nakikiisa bilang aktor at direktor para isulong ang tradisyon ng senakulo tuwing Mahal na Araw. 

Pagkukuwento ni Jay-jay, tila raw naging debosyon o panata na niya ito sa loob ng matagal na panahon upang magamit ang talentong ipinagkaloob sa kaniya para maglingkod sa Diyos, makapagdasal, ipakita ang kaniyang mga pagsisisi at pagpapasalamat tuwing Mahal na Araw. 

Aniya pa, tila raw kasi nawawala ang ego niya tuwing gumaganap siyang si Kristo at sinusuot sa kaniya ang koronang tinik. Sa pamamagitan daw nito ay natututuhan niyang maging mas mapagkumbaba para sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, at mas pinapatatag daw nito ang kaniyang pananalig sa Diyos tuwing nakakaranas siya ng personal na mga problema. 

“Bilang aktor at gumanap na Kristo, kapag nakasuot sa akin ‘yong Koronang Tinik, nawawala ‘yong ego ko. Parang mas nagiging mas mapagkumbaba ako sa aking pamilya, sa aking mga kaibigan, at mas nagiging matatag ako sa aking pananalig tuwing dumarating ‘yong mga pagsubok ko sa buhay,” ‘ani Jay-jay. 

“Parang noong time na sumali ako, hindi naman siya bigla-bigla, pero naging positibo lahat,” pahabol pa niya. 

Pagpapatuloy ni Jay-jay, hindi raw niya maitatangging nakakapagod talaga ang gumanap at magderehe ng senakulo ngunit natututuhan pa rin daw nilang magpatuloy, lalo na kapag nakikita raw nilang nababago ang buhay ng mga nakakapanood ng kanilang isinagawang Senakulo. 

“Hindi ko maikakaila na nakakapagod. May mga time kasi na pisikal na nakakapagod, lalo na ‘yong mga rehearsals, ‘yong araw-araw na pag-attend dito, paguran sa boses, paulit-ulit na pag-eensayo, pagmememorya, at higit sa lahat ‘yong pagpasan ng krus sa ilalim ng init ng araw,” kuwento niya. 

Dagdag pa niya, “Pero ang nagtulak sa akin na ituloy ito ay makita ang mga taong nagbabago ang buhay dahil doon sa dula—dahil doon sa kuwento na ipinapakita namin.” 

“During ng mga palabas namin, nakikita namin na ang daming naaantig. Ang daming nakaka-relate. Hindi man doon sa sakit na nararamdaman pero doon sa ibinabahagi nating kuwento. ‘Yon ‘yong naging lakas namin para maparamdaman sa kanila ‘yong pag-ibig ng Diyos, ‘yong sa mensahe ng Diyos para sa ganitong kamodernong panahon.” 

Tingin umano ni Jay-jay, nagsisilbing “pause button” o pahinga ang senakulo sa gitna ng panahon ng social media at naipaiintindi raw nito sa kabataan na mas mahalaga ang kultura, tradisyon, at espiritwalidad ng pagkukuwento ng naging buhay ni Hesus kaysa sa likes at views na nakukuha online. 

“Sa gitna ng ingay ng social media at gadgets, ang senakulo ang nagsisilbing pause button. Mahalaga ito upang ipaalala sa mga tao, lalo’t higit sa kabataan na may mag bagay na mas malalim kaysa sa mga likes at views na nakukuha natin. Ito ay ‘yong ating kultura. ‘Yong kultura ng Senakulo, ‘yong ating tradisyon, at espiritwalidad na hinding hindi dapat mabaon sa limot,” paliwanag niya. 

Payo ni Jay-jay sa susunod pang henerasyon, huwad daw sanang tingnan ng kabataan na isang lumang kuwento lang sa libro ang buhay ni Hesus at dapat umanong tuklasin ng mga ito na doon nila matatagpuan ang tunay na kahulugan ng pagsasakripisyo, pagpapatawad, at wagas na pagmamahal. 

“Siguro huwag ninyong tingnan ang kuwento ni Hesus bilang isang lumang kuwento lang sa libro. Tuklasin ninyo ‘yong kaniyang buhay dahil doon matatagpuan ang tunay na kahulugan ng sakripisyo, pagpapatawad, at wagas ng pagmamahal,” pagtatapos niya.