Katolisismo ang isa sa mga pinakamalaking impluwensiyang naibigay ng mga Kastilang mananakop sa Pilipinas mula noong una silang dumating dito sa kapuluan noong 1512 sa pangunguna ni Ferdinand Magellan.
At hanggang ngayon, nananatili ang impluwensiyang ito sa mga Pilipino sa kabila ng mga bagong nagsulputang relihiyon sa pagi-pagitan ng panahon.
Sa katunayan, ayon sa Annuario Pontificio, ang statistical yearbook ng Vatican, Pilipinas pa rin daw ang may pinakamaraming bilang ng mga Katoliko sa buong Asya.
Kaya naman hindi nakapagtataka na bukod sa Pasko, Semana Santa ang isa rin sa mahahalagang araw sa kalendaryo ng mga Kristiyano.
Ito ang panahon ng pagtitika at pagninilay habang ginugunita ang sakripisyo at kamatayan ni Hesukristo upang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.
At kaakibat ng okasyong ito ang mga tradisyon na hanggang ngayon ay patuloy pa ring isinasagawa sa kabila ng pagbabago ng panahon.
Kabilang sa mga ito ang penitensya, na isang paraan ng mga namamanata para isabuhay ang pagpapakasakit ni Hesus mula sa pagpapasan ng krus hanggang sa pagpapako rito.
Sa Pilipinas, kilala ang Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando, Pampanga bilang isang bersyon ng Golgotha dahil sa lugar na ito, masasaksihan ang pagpapapako ng mga namamanata tuwing sasapit ang Mahal na Araw.
Ngunit matutunghayan din ang ganitong tradisyon taon-taon sa Barangay Pineda sa lungsod ng Pasig. Isa sa mga nangahas sumubok noon na magpenitensya ay si Joseph Tolentino, 58-anyos, taal na residente ng naturang barangay.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Joseph na taong 1982 pa nang una siyang sumabak sa pagpepenitensya. 21-anyos umano siya noon. At ginawa niya ito sa loob ng labindalawang taon.
“Namanata ako para gumanda ang kalooban dahil sa mga kasalanang nagagawa,” saad ni Joseph.
Ayon kay Joseph, ang isa umano sa mga tumatak na alaala ng penitensya sa kaniya ay ang huling taon ng kaniyang pagganap dito.
“Dumayo kami sa ibang lugar [Trese Martires sa Cavite]. Talagang sakripisyo kami. Halos mamatay kami sa pagganap namin kasi sobrang layo. Pero kahit malayo, basta taos-puso ang pananampalataya mo, hindi mo mararamdaman.”
Ngunit sa kabila ng taimtim at taos-pusong pagganap, hindi hinihikayat ng Simbahang Katolika na humantong ang penitensya sa pananakit ng sarili o pagpapako sa krus. Sapat na umano ang pag-aayuno, paglalakad, at abstinence.
Pero sabi ni Joseph, “[M]insan, ‘pag nakakagawa ka ng kasalanan, hindi rin naman kasagutan ang simbahan. Minsan, sa sarili mo lang din. Taos-pusong pananampalataya.”
“Hindi naman sapilitan ‘yan. Kung kaya mo, kung gusto mo, o hindi. Kusang-loob lang naman ‘yan, e,” dugtong pa niya.
Samantala, positibo naman ang pananaw niya sa magiging kinabukasan ng mahabang tradisyon ng penitensya sa Pineda.
“Sa akin siguro,” ani Joseph, “parang ‘di mawawala kasi nakagisnan na ‘yan sa barangay namin, e. Ilang taon na ako halos dito [sa Pineda]. Nagkaisip ako may nagpepenitensya na. Hanggang ngayon, mayroon pa ring gumaganap. May namamanata pa rin.”
Sa katunayan, may mga dumadayo pa nga raw sa kanilang barangay para lang gumanap sa tradisyong ito. Patuloy rin umano ang mga kabataang lumalahok.
Kaya naman, payo ni Joseph sa mga kabataang gustong mamanata: huwag gawing laro-laro lang ang gawain na tila sagrado kung ituring ng mga taga-Pineda.
“Kasi ‘yong mga namamanata rito sa Pineda,” sabi niya, “taos-puso ‘yong pananampalataya. Talagang nagsasakripisyo mula sa pagpapahihiwa [sa likod] at pagpapahataw.”