May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Anong nangyari sa 12 apostoles ni Kristo matapos ang Kaniyang muling pagkabuhay?

Anong nangyari sa 12 apostoles ni Kristo matapos ang Kaniyang muling pagkabuhay?

Malaki ang naging ambag at pundasyong itinatag ng mga apostoles ni Hesus matapos ang Kaniyang pagkakatawang tao at muling pagkabuhay mula sa mga tala ng Bagong Tipan.

Ayon sa libro ng Mateo, 12 katao ang tinawag ni Hesus na maging tagasunod Niya at magkalat ng Kaniyang mga pangaral at kuwento ng pagliligtas sa sangkatauhan—at ito ay sina: Pedro at kapatid niyang si Andres; si Santiago na anak ni Zebedee at kapatid niyang si Juan; si Felipe, Bartolome, Tomas, Mateo, Santiago na anak ni Alphaeus, Tadeo, Simon na Zelote at Judas Iscariote.

Matapos naman ang naging kaganapan sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, dalawang tao pa ang kinilalang disipulo ni Hesus, sina Pablo at si Matthias na ayon sa libro ng Mga Gawa 1:21-26 ay opisyal na pumalit sa puwesto ni Judas Iscariote.

Ang ng Bagong Tipan ay binubuo ng 27 libro, bagama’t iilan lang sa mga ito ang nakapagsabi kung ano ang kinahantungan ng 12 apostoles ni Hesus matapos silang mangaral sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Kaya naman narito ang pahapyaw sa sinapit ng mga Apostoles ayon sa tala ng Bible scholars at iba pang pananaliksik:

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Pedro - Nakarating si Pedro sa Rome at doon siya nangaral. Sa bisa ng kautusan ni noo'y Emperor Nero, ipinako sa krus si Pedro. Subalit bunsod ng kaniyang paniniwalang hindi siya karapat-dapat mamatay katulad ng pagkamatay ni Hesus, ipinako siya ng nakabaliktad na krus.

Andres - Katulad ng kapatid niyang si Pedro, ipinako siya sa krus na may hugis ekis. Nakarating siya bansang Turkey at Greece sa pangangaral ng mabuting balita ni Hesus.

Tomas - Sinasabing sa Syria siya unang nagpalaganap ng mga salita ni Kristo ngunit sa bansang India nakitil ang buhay ni Thomas. Ayon sa mga tala, nasawi si Thomas matapos siyang sibatin ng apat na mga sundalo.

Felipe - Nangaral sa iba't ibang bahagi ng North Africa at Asia Minor. Ayon sa mga tala, matapos niyang maipa-convert ang misis ng isang opisyal ng Roma ay ipinag-utos ni Emperor Domitian ang pagpapasabit sa kaniya sa krus matapos siyang ipabugbog.

Mateo - Walang malinaw na paraan kung paano pinatay sI Mateo na noo’y nangaral sa Persia at Ethiopia, subalit pinaniniwalaang siya ay pinatay sa pamamagitan ng pagpugot o pagsaksak sa kaniya.

Bartolome - Ayon sa mga tala, pinaniniwalang binalatan siya nang buhay matapos siyang magpakalat ng salita ni Hesus sa Armenia at India.

Santiago na anak ni Alpheus - Bagama’t nagkakaroon umano ng kalituhan kung sino sa mga Santiagong apostoles ni Hesus ang tinutukoy na pinatay sa pamamagitan ng bato, sinasabing ito ang sinapit ni Santiago na anak ni Alpheus.

Simon na Zelote - Maraming haka-haka hinggil sa naging pagkamatay ni Simon na Zelote, ngunit isa sa mga pinaninwalaan dito ay ang pagpatay umano sa kaniya sa Persia gamit ang lagari kung saan pinutol sa dalawa ang kaniyang katawan.

Juan - Sa lahat ng malalagim na sinapit ng mga apostoles ni Hesus, sinasabing si Juan ang nag-iisang namatay na lamang ng dahil sa katandaan. Ayon sa mga ulat, siya rin ang kumupkop at nag-alaga sa ina ni Hesus na si Maria. Nagawa rin umano niyang makaligtas mula sa paglason at sa kaniya at pagbanli ng kumukulong tubig.

Judas Iscariote - Ayon sa mga tala, matapos niyang ipagkanulo si Hesus, sinasabing kinitil ni Judas Iscariote ang sarili niyang buhay sa pamamagitan nang pagbibigti.

Tadeo - Katulad ng ibang Apostoles, nakarating si Tadeo sa Persia at sinasabing doon siya sinibit hanggang sa mapatay siya.

Santiago anak ni Zebedee- Ayon sa mga tala, sinasabing ipinag-utos ni Haring Herodes Agrippa I ang pagpapapatay kay Santiago sa pamamagitan ng espada. Pinaniniwalaang siya ay pinugutan ng ulo dahil sa pagpapakalat ng salita ni Hesus.

Samantala, katulad ng sinapit ni Pedro, sa Roma rin hinatulan ng kamatayan si Pablo at pinugutan ng ulo. Habang katulad naman ni Andres, nakarating ng Syria si Matias bunsod ng pangangaral ng salita ni Hesus at doon siya pinaniniwalaang sinunog nang buhay.

Magkakaiba man ang naging paraan ng kanilang kinahinatnan, ang mga apostoles ni Hesus ay pinagbuklod ng iisang tungkulin at paniniwalaang iniwan Niya para sa sangkatauhan at hanggang sa muli Niyang pagbalik sa kalupaan.