May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga tagubilin sa 'Pabasa ng Pasyon' tuwing Semana Santa

ALAMIN: Mga tagubilin sa 'Pabasa ng Pasyon' tuwing Semana Santa
Photo courtesy: MB


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maraming paniniwala at pamahiin ang bumabalot sa paggunita ng Mahal na Araw.

Hindi na ito nakabibigla sapagkat ito ay ang panahon ng pagkilala at tanda ng sakripisyong inialay ni Hesukristo upang iligtas ang buong sangkatauhan at sanlibutan sa gitna ng mga kasalanan.

Ilan lamang sa mga aktibidad na isinasagawa tuwing Semana Santa ay ang mga misa, prusisyon, penitensya—at hindi mawawala, higit sa lahat, ang isa sa mga pinakakilalang aktibidad tuwing Mahal na Araw, ang “Pabasa ng Pasyon.”

Katulad ng ibang mga gawi sa nasabing panahon, may ilang mga tagubilin ding sinusunod sa pagsasagawa ng pabasa.

Ayon sa isang artikulong tinipon at isinaayos ni Rdo. Msgr. Andres Valera, ang pabasa ng pasyon ay isang debosyon at panalangin na dapat gawin nang may taimtim at galang.

Mababasa pa ang ilan sa mga aniya’y dapat sundin tuwing ikakasa ang isang pabasa ng pasyon.

1. Hindi dapat gumamit ng tono mula sa musika na hindi relihiyoso gaya na lamang ng rock, o iba pang kauri nito.

2. Iwasan ang pagkain sa loob ng BISITA. Maglagay lamang ng kainan sa gilid o sa labas nito.

3. Hindi magandang kumain ng butong-pakwan at iba pang katulad nito tuwing babasa ng pasyon.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

4. Nararapat na subaybayan ng mga nakatatanda ang mga batang mambabasa upang maiwasan nito na laruin o gawing katatawanan ang pabasa.

5. Sa madalas na sitwasyon at pangyayari, tinatapos ang pagbabasa ng pasyon tuwing sasapit ang araw ng Biyernes Santo. Samakatuwid, ang Sabado de Gloria ay araw ng katahimikan at pagninilay.

6. Nakaugalian na ang patuloy at walang-tigil na pagbasa sa pasyon—ngunit maaari itong pansamantalang iantala kung may iba pang debosyong isasagawa katulad na lamang ng Via Crusis at Rosario.

Gayumpaman, may ilang purok at grupo na iba ang paniniwala sa mga nabanggit na tagubilin hinggil sa pagbabasa ng pasyon.

Sa gitna ng paggunita ng Mahal na Araw, pakatandaan at huwag kalimutan kung ano nga ba ang tunay na diwa ng nasabing kaganapan.

Hayaang mamutawi ang respeto, pag-unawa, at paniniwala sa paggunita ng Semana Santa.