May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga pagkain sa ‘Karidad’ na ipinamimigay tuwing Semana Santa

ALAMIN: Mga pagkain sa ‘Karidad’ na ipinamimigay tuwing Semana Santa
Photo courtesy: Wikimedia Commons/website


Iba-iba ang paraan ng bawat isa kung paano ginugunita ang kabanalan ng Semana Santa.

May ibang lumalahok sa pagpepenitensya, may nag-aalay lakad patungong Groto de Vista, mayroon ding nag-oorganisa ng pabasa ng pasyon, at mayroon ding dumadalo sa mga misa sa simbahan.

Pero tila isa rin sa pinakatanyag na paraan kung paano ipakita ang kawanggawa at kabutihan sa gitna ng paggunita ng Mahal na Araw ay ang pa-karidad.

Ano nga ba muna ang karidad?

Ayon sa artikulo ni Sol Vanzi ng Manila Bulletin, ang karidad ay ang akto ng pamimigay ng pagkain sa mga lumalahok sa prusisyon ng simbahan tuwing Semana Santa.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!



Kadalasan, ang pagkaing ipinamimigay ay nakapuwesto sa isang lamesang bukas para sa lahat ng nais kumuha. Wala ring diskriminasyon sa pakaridad.

Samakatuwid, lahat ay maaaring kumuha ng naturang pagkain.

Ano nga ba ang madalas o karaniwang inihahaing pagkain bilang pa-karidad?

Sa parehong artikulo, mababasa ang ilan sa mga payak at karaniwang pa-karidad ng mga Pilipino tuwing Mahal na Araw.

1. Ginataang Bilo-bilo

Ayon kay Vanzi, “perfect dish” daw ang ginataang bilo-bilo bilang isang pakaridad para sa mga lumalahok a prusisyon.

Aniya, madali raw kasi itong gawin, masarap, at hitik ang suplay ng mga sangkap nito tuwing Semana Santa.

2. Kalamay


Madalas daw itong ipinamimigay tuwing Sabado de Gloria.

Ayon sa nasabing artikulo, gawa raw ito sa tirang ginataang bilo-bilo, na dinagdagan pa ng pinipig at coconut milk.

Dahil kawanggawa ang pamimigay ng karidad, isa ang kalamay sa talagang halimbawa nito, sapagkat kailangan mong magbuhos ng sapat na oras upang haluin ito sa mahinang apoy, upang maiwasan ang pagkasunog.

3. Suman

Sa paniniwalang iwasan muna raw ang pagkain ng karne tuwing Mahal na Araw, bidang-bida ang ilang mga kakanin sa hapag, gaya na lamang ng suman.

Kagaya ng ginataang bilo-bilo at kalamay, isa rin ito sa pinaka-karaniwang ipinamamahaging karidad ng mga Pilipino.

4. Lugaw

Sa lungsod ng Malabon, nagpapamahagi ng lugaw ang ilang mga grupo sa mga indibidwal na nagawang makilahok o tapusin ang pabasa ng pasyon sa araw ng Biyernes Santo.

Ito raw ay paraan ng pakikisama, kabutihan, at kawanggawa sa kapuwa Pilipinong kinikilala ang sakripisyo ni Hesukristo.

5. Munggo

Ipinamamahagi rin bilang pa-karidad ang pagkaing munggo sa ilang bahagi ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa kanila, sumasakto ang pagtatapos ng pabasa ng pasyon tuwing Biyernes Santo, at isinasagawa rin ang prusisyon sa nasabing araw, kung kaya’t sakto ang pamamahagi ng munggo bilang isang pa-karidad.

Ang pa-karidad ay hindi lamang isang simbolo ng pamamahagi ng pagkain sa kapwa, ito ay tanda ng pagiging makatao, at pagpapakita na ang tradisyon ng mga Pinoy tuwing Semana Santa ay nananatiling buhay sa bawat isa.