Sa pagpasok ng mga huling linggo ng Kuwaresma, napapansin ng maraming mananampalataya ang isang kakaibang pagbabago sa loob ng simbahan—ang mga rebulto at krus ay tinatakpan ng telang kulay-lila o violet.
Para sa ilan, ito ay simpleng tradisyon lamang. Ngunit sa mas malalim na pag-unawa, ito ay bahagi ng isang makabuluhang yugto ng pananampalataya na tinatawag na "Passiontide."
Sa paliwanag ng Vatican, ang Passiontide ay isang mas pinatinding yugto ng Kuwaresma kung saan ang Simbahan ay nakatuon sa misteryo ng paghihirap ni Kristo.
Hindi ito hiwalay na panahon sa kalendaryo, kundi isang espirituwal na lalim ng paglalakbay patungo sa Pasko ng Pagkabuhay—kung saan ang Krus ay hindi katapusan, kundi daan tungo sa muling pagkabuhay.
Sa panahong ito, mas tumitindi ang pokus ng Simbahan sa Pagpapakasakit (Passion) ni Hesukristo. Kung sa mga unang linggo ng Kuwaresma ay nakatuon sa pagsisisi at pagbabalik-loob, sa Passiontide naman ay nakasentro na ang pagninilay sa mga huling araw ni Kristo; ang Kaniyang pagdurusa, pagpapakasakit, at kamatayan sa krus.
Ayon naman sa Facebook page na "HugotSeminarista," ang Passiontide ay nagsisimula dalawang linggo bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ito ang panahon kung kailan higit na pinagninilayan ng Simbahan ang mga huling araw ng buhay ni Hesukristo—ang Kaniyang paghihirap, pagdurusa, at sukdulang sakripisyo para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Sa panahong ito, inaanyayahan ang mga mananampalataya na manahimik, umiwas sa ingay ng mundo, at ituon ang puso sa lalim ng pag-ibig ni Kristo na ipinamalas sa Krus.
Hindi lamang ito pag-alala sa kasaysayan. Hinihikayat din ang bawat isa na gawing personal ang pagninilay: ang Kaniyang mga sugat, kababaang-loob, at pagsunod sa kalooban ng Ama ay nagsisilbing inspirasyon at lakas sa gitna ng sariling paghihirap. Sa ganitong diwa, ang pagdurusa ay hindi lamang pasanin, kundi maaaring maging daan tungo sa paglilinis at paglago ng espiritu.
Isa sa mga pinakakapansin-pansing tradisyon sa Passiontide ay ang pagtatakip ng mga banal na imahe gamit ang telang kulay-lila. Ang kulay na ito ay sumisimbolo ng penitensiya, pagluluksa, at paghahanda.
Ngunit higit pa rito, ang pagtatakip ay may mas malalim na kahulugan: ito ay paanyaya sa “sagradong katahimikan.” Sa pagtatago ng mga imahen, tila ipinapakita na si Kristo ay “nakatago”—hindi dahil Siya’y nawala, kundi upang mas lalong hanapin at damhin sa gitna ng dilim at pagdurusa.
Sa pag-alala sa kuwento ni Lazaro, makikita na may kapangyarihan si Kristo laban sa kamatayan. Ngunit bago ang muling pagkabuhay, naroon muna ang pagdurusa. Itinuturo ng Passiontide na huwag takasan ang sakit, kundi samahan si Kristo sa paglalakbay na ito; nagtitiwala na kahit sa dilim, Siya ay kumikilos.
Sa huli, ang Passiontide ay hindi lamang tungkol sa dinanas ni Kristo, kundi sa ating tugon bilang mga mananampalataya. Mananatili ba tayo sa paanan ng Krus? Magtitiis ba tayo hanggang wakas? Magmamahal ba tayo sa kabila ng hirap?
Sapagkat sa likod ng belo, sa gitna ng katahimikan, at sa lalim ng pagdurusa—naroroon ang Diyos. At darating ang araw, ang belo ay aalisin.