May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ang mga unang pinagpakitaan ni Hesus sa Kaniyang muling pagkabuhay

ALAMIN: Ang mga unang pinagpakitaan ni Hesus sa Kaniyang muling pagkabuhay
Photo courtesy: Unsplash

Inilarawan ng Panginoon ang kababaihan sa Bibliya bilang nilalang na ginawa sa Kaniyang imahe, na mayroong pantay na karapatan, kakayahan, at dignidad sa kalalakihan. 

Makikita sa iba’t ibang libro at berso sa Bibliya ang pagtataas ng Panginoon sa kababaihan, isa na rito ang pagiging “helper” o katuwang ng kalalakihan sa pagsasakatuparan ng kanilang tungkulin (Genesis 2:18; 1 Pedro 3:7). 

Ayon sa mga pagtuturo, ang kababaihan ay binigyan ng kakayahan upang tumulong at magpamalas ng pagkalinga sa iba, sa mga kaanak man niya, komunidad, o mga estranghero. 

Bukod pa rito, ang mga kababaihan ay nilalang din na may kakayahang manguna nang may katapangan at kagitingan (Hukom 4:4-8; Josue 6:25; Ester 4:16). 

Mga babae sa buhay at ministeryo ni Hesus

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Kaya sa bagong tipan, mababasa na bukod sa kilalang 12 apostol, may ilan pang babae na sumunod, naglakbay, at sumuporta kay Hesus at sa Kaniyang ministeryo.

Ilan sa kanila ay sina Maria Magdalena, Joanna, Sussana, Maria at Martha na mga kapatid ni Lazarus, at ang ina ni Hesus na si Maria. 

Maria (ina ni Hesus)

Tinagurian bilang pinakaunang disipolo ni Hesus, si Maria ang tinawag ng Panginoon dalhin sa kaniyang sinapupunan ang Tagapagligtas ng mundo at nagpalaki rito upang maisakatuparan ang propesiya.

Maria Magdalena

Ayon sa pag-aaral ng National Christian Foundation, si Maria Magdalena ay 12 beses nabanggit sa ebanghelyo. 

Bagama’t may kasaysayan siya ng pagsapi ng pitong demonyo, pinagaling siya ni Hesus mula rito, kaya kinakitaan siya ng malalim na pagpapasalamat at nailathalang hindi niya kailanman iniwan ang ministeryo. 

Joanna

Si Joanna, na asawa ni Chuza, isa sa mga otoridad sa ilalim ni Herod, na sa kabila ng kaniyang mataas na estado sa lipunang Hudyo ay nagbigay suporta sa ministeryo ni Hesus. 

Ayon sa National Christian Foundation, ang impluwensiya ni Joanna at ng kaniyang asawa ay posibleng nakatulong upang maayos ang tensyong politikal sa pagpapalaganap ng mabuting balita ni Hesus at Kaniyang mga tagasunod. 

Susanna

Bagama’t hindi masyadong nabanggit sa Bibliya, ayon sa ilang pag-aaral, si Susanna ay itinuturong posibleng isa sa mga sumunod kay Josue ng Arimathea sa libingan ni Hesus. 

Ang kababaihan bilang kauna-unahang saksi sa muling pagkabuhay ni Hesus

Mababasa sa aklat ng Juan na si Maria Magdalena ang unang pinagpakitaan ni Hesus nang muli Siyang mabuhay mula sa pagkamatay, katulad ng sinabi sa mga propesiya sa lupang tipan. 

“Sinabi ni Jesus sa kaniya, ‘Maria!’ Humarap si Maria at sinabi sa wikang Hebreo, ‘Rabboni!’ na ang ibig sabihin ay Guro. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’” Umalis si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, ‘Nakita ko ang Panginoon!’, at sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.” – Juan 20:16-18

Sa bersong ito, mababasa na si Maria ang inatasan ni Hesus na hanapin sina Pedro at Juan tungkol sa Kaniyang muling pagkabuhay, habang ang siyam pang mga apostol ay binalitaan ng ilan pang kababaihan sa ministeryo. 

Dahil ayon sa ilan pang pag-aaral, base sa ebanghelyo, ang mga babaeng tagasunod ang nakakita na bukas na ang pinaglagyan ng katawan ni Hesus, at dito ay nakakita sila ng dalawang anghel, na nag-utos sa kanila na hanapin at sabihin ang pangyayari kina Pedro.

Ayon sa ilang pag-aaral, matapos magpakita kay Maria, marahil ay sinalubong ni Hesus ang ilan pang kababaihan dahil natakot ang mga ito. 

Mababasa sa ebanghelyo na matapos kausapin ni Hesus ang kababaihan, muli Niyang ipinaalala sa mga ito na sabihin sa iba pang apostol ang Kaniyang pagkabuhay at kikitain Niya ang mga ito sa distrito ng Galileo. 

“At sila'y nagsialis na madali sa libingan na taglay ang takot at ang malaking galak, at nagsitakbo upang ibalita sa kaniyang mga alagad. At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba. Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako.” – Mateo 28:8-10

Ayon sa mga pag-aaral, ang engkwentrong ito ay naging makasaysayan dahil kalimitan noong mga panahong ito, ang hindi kinikilala ang testimonya ng kababaihan, at sila ay kinokonsiderang “unreliable witness” maging sa korte. 

Ipinakita rito na sa mata ng Panginoon, ang kababaihan ay pantay sa kalalakihan, at tunay ngang Siya ay bumaba at nagkatawang-tao upang iligtas ang lahat ng tao, lalaki man ito o babae. 

“Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.” – Galacia 3:28