Dati umanong estudyante sa De La Salle–College of Saint Benilde ang babaeng rebeldeng nahuli ng Armed Forces of the Philippines matapos ang naging engkwentro ng kasundaluhan laban sa New People’s Army (NPA) noong Linggo, Marso 29, 2026.
Ayon sa mga lumabas na ulat nitong Lunes, Marso 30, 2026, isa ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan mula sa hanay ng kasundaluhan habang wala pang naitatalang nasaktan sa nakaengkuwentro nilang grupo na Kilusang Larangang Gerilya ng NPA sa Sitio Salipay, Barangay Monteclaro sa San Jose, Occidental Mindoro.
Kinilala ang nasawing sundalo na si First Lieutenant Dean Oyando na mula sa 68th Infantry Battalion ng 203rd Infantry Brigade of the Philippine Army habang sina Corporal Ramche Perez at Corporal John Ryan Dang na naitalang nagtamo ng sugat.
Base pa sa impormasyong ibinigay ng commander of the 203rd Infantry Brigade na si Brigadier General Melencio Ragudo, isang babaeng rebeldeng armado ng M16 na baril ang nahuli nila matapos ang engkwentro.
Agad umanong dinala sa San Jose Police Station ang nahuling rebelde upang isailalim sa imbestigasyon at masampahan ng kaso.
Kaugnay nito, ayon naman sa inilabas na ulat ng DWIZ 882 nito ring Lunes, sinabi umano ni Ragudo na nasa 20-anyos na raw ang babae at nagtapos ito sa De La Salle–College of Saint Benilde sa Manila.
Aniya pa, na-recruit umano ang nasabing babae ng samahang Kabataang Makabayan noon at dinala sa Mindoro upang makiisa sa tinawag nilang “tour of duty.”
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na kompirmasyon o pahayag ang nasabing unibersidad kaugnay rito.
Hindi pa rin natutukoy ng media ang pagkakakilanlan ng nahuling rebeldeng babae.