May 22, 2026

Home BALITA Metro

PUJ drivers sa libreng sakay ng Manila LGU, kikita ng ₱1k kada araw

PUJ drivers sa libreng sakay ng Manila LGU, kikita ng ₱1k kada araw
Photo courtesy: Manila Public Information Office/FB


Makakakubra ng ₱1,000 na kita ang mga Public Utility Jeepney (PUJ) drivers na kabilang sa programang libreng sakay ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Kaugnay ito sa pagkakasundo ng PUJ drivers, operators, at ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 14, Series of 2026, kung saan sila ay kikita kapalit ng serbisyo nila sa libreng sakay program ng Manila LGU.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ruta ng PUJs na may libreng sakay sa lungsod ng Maynila-Balita

Sa inilabas na datos ng Manila Public Information Office noong Linggo, Marso 29, makakatanggap ng tig-₱1,000 na kita ang driver at operator sa isang araw na biyahe nito.

Samantala, may ilalaan ding ₱1,000 para naman sa diesel ng transportasyong gagamitin.

Ayon pa sa anunsyo, mayroon ding MTPB enforcer sa bawat jeep upang masiguro ang kaligtasan sa biyahe.

“Layunin ng inisyatibong ito na hindi lamang matulungan ang mga commuter sa libreng pamasahe, kundi masuportahan din ang kabuhayan ng mga driver, operator, at negosyante sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” anang Manila PIO.

Simula na ngayong Lunes, Marso 30, ang programang libreng sakay ng Manila LGU.