May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Semana Santa hindi lang dapat taon-taon ginugunita, pananaw ng isang pastor

#BalitaExclusives: Semana Santa hindi lang dapat taon-taon ginugunita, pananaw ng isang pastor
Photo courtesy: Jesus Is Lord Church Malinao (Facebook), Freepik

Ang Semana Santa o Mahal na Araw ay taon-taong ginugunita bilang pag-alala sa paghihirap at pagkamatay ni Hesus sa Krus ng Kalbaryo, gayundin sa Kaniyang muling pagkabuhay sa ikatlong araw. 

Sa panahong ito, sinasamantala ng maraming Kristiyano ang pagkakataon upang magnilay-nilay, mag-ayuno, at manalangin bilang bahagi ng pagpapalalim ng kanilang pananampalataya.

Gayunpaman, higit pa sa isang "tradisyon," ang Semanta Santa ay pag-alala sa dakilang pag-ibig ni Hesus, na Siyang nag-alay ng Kaniyang buhay para sa kaligtasan ng sanlibutan. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Ptr. Tyrone Policarpio, Church Pastor ng Jesus Is Lord Church-Malinao sa Pasig City, ibinahagi niya una ang kahalagahan ng Semana Santa. 

"Ang Holy Week ang katawagan ng Roman Catholic sa pangyayari sa Bibliya na ang Panginoong Hesus ay hulihin, pahirapan, ipako sa krus, namatay at muling nabuhay. At dahil biblical, as born-again Christians napakahalagang alalahanin nito," saad ni Ptr. Tyrone.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

"Sabi sa 1 Corinthians 11:26, 'For as often as you eat this bread and drink this cup, you proclaim the Lord’s death till He comes.' Ito 'yong patungkol sa Last Supper, pero binabanggit na 'as often as you eat this bread' ibig sabihin mas frequent n'yo gawin, mas frequent n'yo ring inaalala ang pagkamatay ng Panginoong Hesus. So, 'yong Holy Week—dahil inaalala 'yong pagkamatay ng Panginoon, on the third day 'yong resurrection—maganda 'yan, paborable 'yan dahil biblical 'yan," dagdag pa niya.

Sinabi rin ng church pastor na isa itong advantage dahil aniya malaking porsyento ng mga Pilipino ang nagbibigay-tutok sa Diyos tuwing Semana Santa. Maging ang pagbibigay-oras ng mga television (TV) station at halos lahat ng media platform sa pagbabahagi ng Word of God.

"Napakahalaga ng Holy Week dahil bagama't ito'y naging tradisyon pero may word naman si Lord na  'ang hindi laban sa atin ay atin.' Ibig sabihin kapag naaalala ang kamatayan ng Panginoong Hesus mas maganda."

Samantala, ibinahagi rin ni Ptr. Tyrone na "kulang" ang taon-taong paggunita sa pagkamatay at pagkabuhay ng Panginoong Hesus. 

"Actually, kung ang Diyos ang tatanungin natin kulang nga 'yang taon-taon kasi sa mga Kristiyano ang sinasabi ng Lord, 'as often as you do it you remember the Lord's death till He comes.' Ibig sabihin alam ng Diyos na dapat ginagawa n'yo 'yan frequently, 'yong pag-alaala doon sa pagkamatay ng Panginoong Hesus. Kasi maraming tao ang kinalimutan na 'yong pagkamatay ng Panginoong Hesus, nakakalimutan na rin 'yong essence ng pagliligtas ng Panginoon e. Kapag aalalahanin 'yong kamatayan, hindi rin dapat kalimutan 'yong resurrection," pananaw ng church pastor. 

Dagdag pa niya, "So kapag ang pag-uusapan taon-taon, nakakatulong, pero sa born-again Christians as often nating maalala ang pagkamatay ng Panginoong Hesus mas maganda."

Sa huli, nagbigay ng mensahe si Ptr. Tyrone para sa kapwa mananampalataya sa paggunita ng Mahal na Araw. 

"Samantalahin 'yong pagkakataon dahil nabigyan tayo sa Pilipinas ng ilang araw na pagninilay-nilay, pangingilin sabi nga nila. Maganda dahil paborable 'yan dahil may time at may chance ang isang Pilipino na makapag-focus, makapagwari-wari ng kaniyang pananampalataya sa Diyos. Kaya napakahalaga na talagang alalahanin ang Holy Week dahil makatutulong ito sa spirituality ng isang tao."

Kaugnay na Balita: Semana Santa devotional: Ang mamahaling pabango