Itinanggi ng state-run giant ng Malaysia na Petronas ang pagkakaugnay nila sa umano’y fuel supply arrangement sa provincial government ng Davao del Norte.
Sa pahayag na inilabas ng Petronas nitong Linggo, Marso 29, sinabi nilang nakatuon umano sila sa paniniguro para sa patuloy na suplay ng gasolina sa Malaysia.
“Petronas’s immediate focus is to ensure that Malaysia has a reliable and continuous fuel supply,” saad ng nasabing energy company.
Dagdag pa nila, “This remains our utmost priority, supported by established supply networks and close coordination with the government.”
Matatandaang ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Marso 25, sinabi umano ni Davao Del Norte Gov. Edwin Jubahib sa isang panayam na binabalak umano nilang bumili ng 44 milyong litro ng krudo ng langis at gasolina sa Malaysia.
Ito ay sa gitna ng patuloy na krisis na bunga ng sigalot sa Middle East.