Papalapit na naman ang paggunita ng Semana Santa, at tiyak isa na naman ang Linggo ng Palaspas sa talaga namang ginugunita ng mga debotong Katoliko.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga mahahalagang pangyayari sa Bibliya noong unang Semana Santa-Balita
Ano ba ang Linggo ng Palaspas?
Ang Linggo ng Palaspas ay ang simula ng Mahal na Araw, kung saan kinikilala ang katagumpayan ni Hesus na makapasok sa Herusalem, at tanda ng papalapit na paghihirap niya upang iligtas ang sangkatauhan.Simbolo ng Palaspas sa mga debotong Katoliko
Ayon sa isang artikulo na ibinahagi ng pahinang Sinaunang Panahon, mahalagang parte ng kultura ng mga Pilipino ang paggamit ng palaspas tuwing Palm Sunday.
“The palaspas is a significant symbol in Filipino culture, representing peace, victory, and humility, and its significance extends beyond its role in Palm Sunday celebrations. [It] is a symbol of Filipino artistry, with an emphasis on creativity and dexterity in the weaving and crafting process,” mababasa sa artikulo.
Sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Maylena Corales, 26-anyos mula sa Lipa City, Batangas, pagpupugay at pagiging simple naman daw ang simbolismo ng palaspas na sinimulan niya ang paglikha apat na taon na ang nakalilipas.
“Sumisimbolo ang palaspas sa darating na Mahal na Araw o Holy Week. Ang palaspas ay tradisyunal na ginagawa mula sa dahon ng niyog para sa Linggo ng Palaspas. Simbolo ito ng pagpupugay at pagiging simple, gaya ng pagpasok ni Hesus sa Jerusalem,” saad ni Corales.
Aniya pa, simple ngunit matrabaho raw ang paggawa ng palaspas.
Gayunpaman, naniniwala siyang marami pa ring mga deboto ang kumikilala sa tradisyon na ito.
“Maraming mga Pilipino o mga Katoliko ang nakikilahok sa tradisyon ng Palaspas at hindi nakakalimot sa Panginoon,” aniya.
Paano nga ba ginagawa ang isang palaspas?
Ayon kay Corales, simple lamang daw ngunit matrabaho ang paggawa ng palaspas.
“Ang paggawa ng palaspas mula sa puno ng niyog ay simple pero matrabaho. Una, tadtadin mula sa pinakapuno hanggang sa pinakapalapa ng niyog para maging palaspas. Pangalawa, idisenyo ng pasalapid o patupi-tupi ang mga higla ng dahon nito. Panghuli, lagyan ng ribbon at santo (sticker) para maging palamuti sa ating palaspas,” saad ni Corales sa parehong panayam.
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Paano nga ba ginagawa ang palaspas?-Balita
Sa papalapit na pagsapit ng Semana Santa, huwag kalimutang isabuhay at kilalanin ang kahalagahan, tradisyon, at paniniwalang nakapaloob sa paggunita ng Mahal na Araw.