May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Bakit asno ang sinakyan ni Hesus imbes na kabayo patungong Herusalem?

ALAMIN: Bakit asno ang sinakyan ni Hesus imbes na kabayo patungong Herusalem?
Photo courtesy: Freepik

Sa dami ng mga titulo at pangalan ni Hesus bilang Panginoon, isa ang “Hari ng mga hari” sa kilalang itawag sa Kaniya dahil Siya ang may hawak ng pinakamataas na awtoridad sa mundo at kalangitan. 

Kaya may ilang pag-aaral ang nagtaas ng katanungang bakit donkey o asno ang sinakyan ni Hesus noong papasok Siya sa lungsod ng Herusalem, imbes na kabayo, na kadalasang naiuugnay sa pagkahari, lakas, at kontrol. 

Dahil dito, bakit nga ba asno ang napiling sakyan ng Panginoong Hesus sa unang Linggo ng Palaspas? 

Base sa katuruan sa ebanghelyo, bago pumasok si Hesus sa lungsod ng Herusalem, inutusan Niya ang dalawa sa Kaniyang mga disipolo na magtungo sa isang nayon upang hiramin ang isang colt o batang asno na hindi pa nasasakyan o nagagamit nino man. 

Aniya pa sa mga disipolo, kung sino ang magtatanong kung para saan o kanino ang kukuhanin nilang asno, ang sasabihin lamang nila ay, “Kailangan po ito ng Panginoon.” 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Pagpasok ni Hesus sa lungsod ng Herusalem, sinalubong Siya ng mga masigabong papuri at sigaw ng “Hosana sa Anak ni David! Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!” (Mateo 21:9). 

Ayon pa sa katuruang ito sa Bibliya, sa pagdaan ni Hesus sa lungsod, inilapag ng mga disipolo at mga tao ang kanilang mga palaspas at balabal habang isinisigaw ang papuri. 

Ang mga paglalatag na ito ay simbolo ng pagkilala sa pagkahari, gayundin ang hayagang pagdeklara ni Hesus bilang Hari at Mesiyas na matagal nang hinihintay ng mga hudyo (2 Hari 9:13). 

Kaya ang pagsakay ni Hesus sa asno ay isa sa maraming katuparan ng propesiya sa Kaniya sa mga aklat ng propesiya mula sa lumang tipan. 

“O Zion, magdiwang ka sa kagalakan! O Jerusalem, ilakas mo ang awitan! Pagkat dumarating na ang iyong hari na mapagtagumpay at mapagwagi. Dumarating siyang may kapakumbabaan, batang asno ang kanyang sinasakyan.” – Zacarias 9:9 

Gayunpaman, ang pagpupugay na ito ay hindi dahil kinikilala ng mga Hudyo si Hesus bilang tagapagligtas sa kanilang mga kasalanan, dahil layon lamang nila ng mangunguna sa kanilang rebolusyon laban sa Roma. 

Noong mga panahong ito, si Hesus ang hari na hindi katanggap-tanggap para sa maraming Hudyo.

Kaya sa kabila ng masigabong pagsalubong na ito, sa mga sumunod na araw, marami sa mga taong nagdiwang at sumigaw ng “Hosana sa Anak ni David!” ay isa rin sa mga umusig kay Hesus. 

Tulad ng propesiya sa Panginoon sa aklat ng Isaias, Siya ay mababantog at dadakilain, ngunit marami rin ang kalauna’y magugulat nang makita Siya dahil sa pagkakabugbog sa Kaniya, na halos hindi na makilala kung Siya ay tao (Isaias 52:13-15). 

Dahil sa mga bugbog at latay na Kaniyang tinamo, sa mga panghahamak at pagtatakwil na tiniis, inalis Niya ang atin mga kahinaan at pinagaling ang ating mga karamdaman, bukod pa sa kaligtasan at buhay na walang hanggan (Isaias 53).