May 21, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ang simbolismo ng palaspas sa pagpasok ni Hesus sa Herusalem

ALAMIN: Ang simbolismo ng palaspas sa pagpasok ni Hesus sa Herusalem
Photo courtesy: Freepik

“Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!” 

Ito ang mga katagang nangibabaw mula sa sigaw ng mga tao sa pagpasok ni Hesus lungsod ng Herusalem, sakay ng isang asno. 

Kasabay ng masidhing pagpupuring ito, iwinagayway din ng mga tao ang kanilang mga palaspas bago ilapag sa paa ng asnong sinasakyan ng Panginoon bilang simbolo ng pagkilala sa Kaniyang pagkahari. 

Dahil dito, ano nga ba ang sinisimbolo ng palaspas, na sa kasalukuyang panahon ay nagsilbing simbolo ng pagsisimula ng Semana Santa? 

Sa aklat ng Juan, mababasang agad kumuha ng mga sanga ng palmera o palaspas ang mga tao nang malaman nilang papasok si Hesus sa Herusalem upang Siya’y salubungin (Juan 12:12-13). 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Dahil ayon sa ilang pag-aaral, bukod sa pag-uugnay ng mga palaspas sa magagarbong selebrasyon at grandeng prusisyon, ang pagwawagayway rin ng mga ito ay ginagawa upang magpugay sa hari at kanilang pagkapanalo. 

Bukod pa rito, mababasa rin sa ilang aklat sa Bibliya, tulad ng Pahayag, na ang palaspas ay parte ng selebrasyon ng pagpupuri ng napakaraming tao sa harap ng trono ng Panginoon. 

“Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” – Pahayag 7:9-10

Kasama nila rito ang mga anghel sa kalangitan na nakapalibot sa trono, mga matatandang pinuno, at apat na nilalang na buhay, na nagpapatirapa bilang pagsamba sa Panginoon (Pahayag 7:11-12). 

Sa lumang tipan naman, ang puno ng palaspas ay iniuugnay sa katuwiran o righteousness at pag-unlad o flourishing. 

“Tulad ng palmera, ang taong matuwid tatatag ang buhay, sedar ang kagaya, kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.” - Mga Awit 92:12

Isa pa ay ang pagiging parte ng mga palaspas sa Pista ng mga Tolda sa aklat ng Levitico, bilang pagdiriwang at parangal sa Panginoon (Levitico 23: 40). 

Kaya ang palaspas para sa kulturang Hudyo ay simbolo ng panalo, kasiyahan, at kaligtasan, at ang kauna-unahang Linggo ng mga Palaspas ay   puno ng pagkamangha at pag-asa.