May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga mahahalagang pangyayari sa Bibliya noong unang Semana Santa

ALAMIN: Mga mahahalagang pangyayari sa Bibliya noong unang Semana Santa
Photo courtesy: Unsplash

Para sa mga Kristiyano, ang Semana Santa o Holy Week ay komemorasyon ng pagsasakripisyo, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus sa krus para sa kaligtasan ng sanlibutan mula sa kamatayan dala ng kasalanan. 

Sa bersong Juan 3:16-17, mababasa ang puso ng Panginoon sa likod ng pagpapakasakit Niyang ito, na bagama’t Diyos, ay nagkatawang tao upang ipakita ang lubos Niyang pagmamahal sa mga nilalang Niya, at iparamdam sa mga ito ang naisin Niyang magkaroon ang mga ito ng buhay na walang hanggan kasama Niya. 

“Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila.” – Juan 3:16-17

Ayon pa sa propesiya sa aklat ng Isaias sa lumang tipan tungkol kay Hesus, na kalauna’y naisakatuparan, inilarawan Siya bilang “man of sorrows” dahil sa mga panghahamak at paghihirap Niyang daranasin sa mundo, dala ang kasalanan ng bawat tao sa mundo, upang ang bawat isa’y muling mabuo at maging malaya. 

“Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling niya ang ating mga karamdaman.Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya. Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.” –  Isaias 53:4-5

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Kaya bilang muling pag-alala sa ipinamalas na pagliligtas ni Hesus, narito ang ilan sa mga naging mahahalagang pangyayari noong unang Semana Santa. 

Linggo ng Palaspas

Ayon sa mga aklat ng propesiya at ebanghelyo sa Bibliya, sa araw na ito ginanap ang pagpasok ni Hesus sa Herusalem lulan ng isang asno. 

“O Zion, magdiwang ka sa kagalakan! O Jerusalem, ilakas mo ang awitan! Pagkat dumarating na ang iyong hari na mapagtagumpay at mapagwagi. Dumarating siyang may kapakumbabaan, batang asno ang kanyang sinasakyan.” – Zacarias 9:9

Dito ay masigabong sinalubong ng mga tao si Hesus, at habang iwinawagayway nila ang kanilang mga palaspas, isinisigaw nila ang mga katagang ““Hosanna sa Anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosanna sa kataas-taasan!”

Lunes Santo

Sa araw na ito, naitala sa ebanghelyo ang pagsumpa ni Hesus sa isang puno ng igos o fig tree dahil sa pagkakaroon ng mga dahon ngunit walang bunga. 

Pinaniniwalaan ng ilang iskolar na sinisimbolo nito ang katuruang higit pa sa panlabas na anyo ang pananampalataya, bagkus, ito ay isang buhay na nagbubunga ng kabutihan sa iba pang tao. 

Sa araw ding ito, naitala na nagalit si Hesus sa mga nagtitinda at nagsusugal sa templo, dahil sa kanilang korapsyon.

“Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.’” – Lucas 19:46 

Martes Santo

Sa araw na ito itinuro ni Hesus sa Kaniyang mga disipolo ang aral ng pananampalataya mula sa isinumpa Niyang puno ng igos. 

Sa templo, naitalang nagalit ang ilang relihiyosong lider kay Hesus kaya sinubukan nilang usigin Ito ngunit mariing kinondena ni Hesus ang mga paniniwala at gawain ng mga lider na ito. 

“Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.” – Mateo 23:27-28

Sa araw din na ito, kasama ang Kaniyang mga disipolo sa Mount of Olives, ibinahagi ni Hesus ang Kaniyang mga katuruan ang propesiya hinggil sa pagkasira ng Herusalem at ang mga pangyayari sa katapusan ng mundo. 

Ayon pa sa ebanghelyo, dito pinunasan ni Maria, na kapatid nina Lazarus at Martha, ang mga paa ni Hesus gamit ang napakamahal na pabango mula sa isang sisidlang alabastro. 

Saad ni Hesus, simbolo ito ng paghahanda sa Kaniyang napipintong libing. 

Miyerkules Santo 

Ayon sa ilang iskolar, sa araw na ito, nagpatuloy ang ordinaryong mga kaganapan sa templo, kung saan bagama’t dito pa lamang ay sinubukan nang ipapatay ng mga relihiyosong lider si Hesus, wala silang magawa dahil na rin taimtim ang pakikinig ng mga tao sa mga turo Niya. 

“Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.” – Lucas 19:47-48

Huwebes Santo

Ayon sa ebanghelyo, sa araw na ito ginanap ang paghahanda nina Hesus at Kaniyang mga disipolo para sa Passover Feast, kung saan, hinugasan Niya ang mga paa nito bilang aral sa kanila ng paninilbihan sa simbahan.

Sa araw ding ito, nag-alay si Hesus ng masidhing panalangin sa Diyos Ama habang nasa Hardin ng Gethsemane dahil sa napipinto Niyang paghihirap at pagkamatay mula rito.

“Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.” – Lucas 22:42

Biyernes Santo 

Sa ilang pag-aaral, sa araw na ito naganap ang pagta-traydor ni Hudas kay Hesus sa Hardin ng Gethsemane, sa pamamagitan ng isang halik sa pisngi. 

Sa araw ding ito dinala si Hesus kay Poncio Pilato para sa paglilitis, gayundin sa presensiya ni Herod Antipas.

Kasama rito ang pangungutya ng mga romanong sundalo at guwardiya ng templo kay Hesus. 

Noong Biyernes Santo rin naganap ang pagpapahirap kay Hesus patungong Golgotha mula sa Herusalem, kung saan ipinako na Siya sa krus.

Ayon pa sa ilang pag-aaral at berso sa ebanghelyo, ilan sa mga binitawang salita ni Hesus sa krus ay ang mga sumusunod: 

“Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” – Lucas 23:34 

“Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!” – Lucas 23:46

Sabado de Gloria

Sa araw na ito, ang katawan ni Hesus ay inilagak sa libingan, kung saan ito ay mahigpit na binantayan ng mga sundalong romano, at ilan pa sa mga disipolong babae ni Hesus ay kasama rin sa nagbantay rito. 

Ang kababaihan din na ito ang bumili ng mga pabango at sangkap upang balutin at linisin ang katawan ni Hesus. 

Ayon sa ilang pag-aaral at berso sa ebanghelyo, kasama sa tumulong sa pagsasaayos ng libingan ni Hesus ay sina Nicodemus at Joseph ng Arimathea, na parehang mula sa Sanhedrin. 

Linggo ng Pagkabuhay

Ayon sa ebanghelyo, ito ang araw kung saan natagpuan ng mga babaeng disipolo na bukas at wala nang laman ang libingan ni Hesus. 

Binanggit rin dito na si Maria Magdalena ang kauna-unahang pinagpakitaan ni Hesus, at siya rin ang nagbalita nito sa iba pang disipolo. 

“Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa kanya. Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at umiiyak. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nakita niya.” – Marcos 16:9-11

Mula sa mga babaeng disipolo, nagtipon pa ang ibang tagasunod ni Hesus at dito’y muli na silang nagkita-kita. 

Sa kasalukuyan, higit dalawang millennia matapos ng makasaysayan at supernatural na mga pangyayaring ito, nananatiling buhay ang Salita ni Hesus at mas naipapamalita pa ito sa iba, alinsunod sa Kaniyang dakilang komisyon sa Bibliya. 

“Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” – Mateo 28:19-20