Now boarding, Platform 9 ¾!
Inilabas na ng HBO Max ang kauna-unahang opisyal na teaser ng “Harry Potter and the Philosopher’s Stone” nito lamang Huwebes, Marso 26, bilang reboot sa English modern classic na Harry Potter ng awtor na si J.K. Rowling.
Ayon sa press release ng Warner Bros., ang “Harry Potter and the Philosopher’s Stone” ay ang unang season sa ginagawa nilang Harry Potter series.
Binubuo ito ng walong episodes at nakatakdang ipalabas sa Pasko, Disyembre 26, sa HBO Max.
Ang tinaguriang “golden trio” ay gagampanan ng child actors na sina Dominic McLaughlin bilang si Harry Potter; Arabella Stanton bilang si Hermione Granger; at Alastair Stout bilang si Ron Weasley.
Kasama rin sa executive producers ng bagong series ang mismong awtor ng Harry Potter classic na si J.K Rowling.
Ang fantasy book at TV series ay umikot sa istorya ng 11-anyos na si Harry Potter na nakatanggap ng letter of admittance mula sa Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry habang naninirahan siya sa kaniyang tiyahin, na minamaltrato siya.
Sa Hogwarts nakatagpo ang batang si Harry ng mga bagong kaibigan at paglalakbay habang inaalam ang misteryosong dahilan sa likod ng pagkamatay ng kaniyang mga magulang, na isang witch at wizard.