May 22, 2026

Home BALITA Politics

Habang nagtatago: Sen. Bato, nagkasa ng mga panukalang batas sa Senado

Habang nagtatago: Sen. Bato, nagkasa ng mga panukalang batas sa Senado
Photo courtesy: MB File photo

Naghain ng karagdagang panukalang batas si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado sa kabila ng ilang buwan niyang pagliban.

Kabilang sa mga binigyang-diin ng senador ang mga panukalang may kinalaman sa mga propesyonal, empleyado ng gobyerno, barangay health workers, at mga manggagawa sa pampublikong transportasyon.

“Our advocacy goes beyond public order. As a lawmaker who came from the province, I personally witnessed the plight of ordinary Filipinos. That's why we are pushing for the passage of these bills to bring their woes to the walls of this august chamber,” ani Dela Rosa.

Isa sa mga panukalang inihain ng senador ay ang pagbabasura sa Continuing Professional Development (CPD) Act of 2016, partikular ang obligasyong kumpletuhin ang CPD units bilang requirement sa pag-renew ng lisensya ng mga propesyonal.

Isinusulong din ni Dela Rosa ang isang panukala na magbibigay ng regular at permanenteng posisyon sa mga empleyado ng gobyerno na nakapagsilbi ng tuloy-tuloy na limang taon sa mga national agency, o sampung taon naman sa mga lokal na pamahalaan.

Politics

Sen. Loren, niligwak na rin ng Kislap Diwa na pinangangasiwaan niya!

Muli ring inihain ng senador ang panukalang pagtatatag ng Philippine National Police Forensic DNA Database upang mapalakas ang kakayahan ng pulisya sa paglutas at pagpigil sa krimen.

Kabilang din sa kaniyang mga isinusulong ang Law Enforcement Body-worn Camera Act na mag-uutos sa mga alagad ng batas na gumamit ng body cameras upang mapataas ang transparency at kredibilidad ng kanilang operasyon.

Tinukoy rin sa mga panukala ang Revised Philippine Coast Guard Bill na layong palakasin at ayusin ang kapasidad ng Philippine Coast Guard sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Nauna nang naghain si Dela Rosa ng unang sampung panukalang batas para sa 20th Congress, kabilang ang Death Penalty for Large-scale Illegal Drug Trafficking Act, Reserve Officers’ Training Corps Act, mga amyenda sa Party-list System Act, at ELCAC Act.

Matatandaang Nobyembre 2025 pa nagsimulang lumiban sa pagdalo at pagpunta sa Senado si Dela Rosa matapos umugong ang umano’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya, kaugnay ng naging madugong kampanya kontra droga ng administrasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato Dela Rosa, numero unong puro absent sa Senado!