Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na makatatanggap ng tulong-pinansyal ang mga Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver na hindi nakakuha ng ₱5,000 fuel assistance mula sa pamahalaan.
Kaugnay ito sa mga isyung kinaharap ng nasabing payout, kung saan may iilang tsuper ang hindi nabigyan ng ayuda dahil wala sila sa listahang isinumite ng lokal na pamahalaan sa DSWD at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Sec. Gatchalian, gagawa sila ng paraan upang matulungan ang mga nasabing driver.
“Gagawa kami ng mga team mula sa hanay ng LTFRB at DSWD. Pupunta kami sa mga city para makipag-ugnayan sa kanilang local government unit, pati na rin sa mga presidente o chairman na mga JODA sa lugar na ‘yon,” saad ni Sec. Gatchalian sa isang panayam noong Miyerkules, Marso 25.
Aniya, “Ire-reconcile natin, hahanapin natin isa-isa ‘yong mga nawawala sa listahan at tutulungan natin na malagay sa listahan.”
“Sisiguraduhin namin na kami na ang aabot sa inyong local government unit para masigurado na mapabilang naman kayo sa susunod na payout at hindi magtatagal ang payout na iyon,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa ahensya, magsasagawa sila ng isang special payout para sa mga driver na hindi nakakuha ng tulong-pinansyal—kung kaya’t pinaalalahanan nila ang mga namamasada na wala sa listahan na isumite ang kanilang pangalan at kopya ng driver’s license upang maisama sa mabibigyan ng ayuda.
Ngayong Huwebes, Marso 26, patuloy ang pamimigay ng fuel subsidy para sa mga delivery riders na bumibiyahe at nakatira sa alin mang siyudad sa Metro Manila.
Inaasahan ang susunod na schedule nito sa Biyernes, Marso 26 at sa Lunes, Marso 30.