Nagpaalala ang Philippine Statistics Authority hinggil sa mga umano’y scammer na ginagamit ang pangalan ng kanilang ahensya upang makapanloko.
Kaugnay ito sa mga kumakalat na anunsyo online ukol sa umano’y mga hakbang sa pag-iisyu ng National ID at ilang scholarship offers ng PSA.
Babala ng ahensya, hindi totoo ang mga ito.
Sa isang abiso na ibinahagi ng PSA kamakailan, gumagamit ang scammer ng pangalang “PSA Support Team” at nagpapadala pa ng pekeng email at impormasyon sa biktima.
“Said individuals typically send emails using email display names like ‘PSA Support Team’ with subject headers such as ‘National ID Update and Confirmation.’ Others would initiate video calls via platforms like Google Meet and insist registered persons to download a mobile application similar to the eGovPH app,” saad ng PSA.
Anila, “The PSA would like to reiterate that such emails are FAKE and that such activities are NOT AUTHORIZED by the agency. The PSA underscores that its official email for concerns on the National ID is [email protected] with the display name National ID Info Center.’”
Photo courtesy: PSA
Sa hiwalay namang abiso, nagbabala rin sa publiko ang PSA hinggil naman sa umano’y scholarship offers ng ahensya. Anila, ang mga ganitong post ay hindi totoo at mapanlinlang.
“Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) laban sa kumakalat na pekeng social media posts tungkol sa umano’y scholarship na may kasamang cash allowance at nag-uudyok na mag-apply sa pamamagitan ng hindi opisyal na link,” anang PSA.
“Nilinaw ng PSA na wala itong ganitong scholarship program at hindi ito nagbigay ng pahintulot sa sinuman na gamitin ang pangalan ng ahensya para sa ganitong aktibidad,” anila pa.
Photo courtesy: PSA
Paalala ng ahensya, maging mapagmatyag at mapanuri upang hindi maloko ng mga ganitong uri ng panlilinlang.