Isiniwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na minanduhan niya ang Department of Energy (DOE) na huwag tumigil sa paghahanap ng panibagong mga supplier ng langis.
Kasunod ito ng ulat ng ahensya kung saan sinabi nilang aabot na lamang sa 45 araw ang kasalukuyang suplay ng krudo ng bansa.
MAKI-BALITA: Average supply ng langis sa bansa, aabot na lang sa 45 na araw—DOE-Balita
Sa ibahaging presidential report ni PBBM nitong Miyerkules, Marso 25, tiniyak niya ring patuloy ang pagkilos ng pamahalaan para sa dagdag na suplay ng produktong petrolyo.
“The next part of the challenge that we were facing was the supply and pricing of petroleum products. Kaya’t ang una naming tiniyak—ang unang tanong ko sa Department of Energy (DOE) [ay] ano ba ang stock natin ng diesel, ng gasolina, ng kerosene, ng jet fuel,” saad ni PBBM.
Aniya, “Ang instruction ko sa kanila, ‘huwag n’yong titigilan, maghanap kayo pa ng suplay dahil hindi natin alam kung gaano katagal pa ito.’”
Paglalahad pa ni PBBM, patuloy ang pagkilos ng pamahalaan upang makahanap ng panibagong pagkukuhaan ng suplay ng langis.
Anang Pangulo, sinubukan din nilang siguruhin na ang mga kontratang may kinalaman sa pagbili ng langis ay talagang nasusunod, at talagang mapapadalhan ng suplay ang bansa.
“Ngunit dahan-dahan sa patuloy na ating pagtatawag, sa patuloy sa ating pag-ugnay sa kanila, at gumawa tayo ng mga bagong sistema para makarating ang langis dito, ay nasuplayan tayo—and we are not stopping,” anang Pangulo.
“And again, I credit the success of this ensuring the supply, to the good relations that we have with our partner countries around the world,” aniya pa.
Sa parehong ulat ni PBBM, inilahad niya rin ang iba pang hakbang ng pamahalaan hinggil sa naturang isyu gaya ng four-day workweek, at ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Japan, China, South Korea, India, at Russia para sa dagdag-suplay ng krudo.