Isang siopao na nakalagay sa ziplock bag ang pumukaw sa atensyon ng netizens dahil sa umano’y pagkakahawig nito sa mga kalimitang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa mga malalagim na krimen sa bansa.
Makikita sa nag-viral na Threads post ng netizen na si Kenji Alde, na nakapatong pa ang nasabing siopao sa kaniyang lamesa habang nag-iisa itong nakabalot sa lukot na ziplock bag.
Kaya ang netizens, ito hindi pinalagpas, at kaniya-kaniya silang entry ng kanilang mga crime-inspired humor.
“Check mo baka Marked Siopao yan.”
“Para bang shabung bilog eme ahahahah.”
“SHAPAO HAHAHAHAHAHAHAHHAHA.”
“Kulang yung ebidensiya walang sauce .”
“Parang isisend sa forensics hahaha”
Ang isa namang netizen ay kumuha pa ng kaniyang reference mula sa mismong pag-uulat ng dokumentaryong pinangungunahan ng beteranong mang-uulat na si Gus Abelgas.
“Kung mahusay ang pagkalap at pagsisinop ng ebidensya. Lumalaki ang tyansang malutas ang anumang krimeng sinisiyasat. Kaya nga sa bawat kasong matutukan ng aming kamera. Dadalhin kayo ng ABS-CBN at SIOPAO sa mismong sentro ng imbestigasyon.”
“Minsan ka ng nanood ng SOCO habang kumakain ng Siopao ,” reply naman dito ng isa pang netizen.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kenji, ibinigay daw sa kaniya ng supervisor niya ang siopao, at nang inabot sa kaniya, pabiro pa siyang nagtanong, “Ma’am, bakit naman mukha itong ebidensiya sa krimen?”
Doon lamang daw na-realize ng supervisor niya na mukha raw “Exhibit A” ang ibinigay na siopao.
Aniya pa, palagi raw silang nagpapalitan ng pagkain sa opisina para mapanatiling masaya ang kanilang workplace.
Kaya natawa daw si Kenji nang biglang ipinatong ng supervisor niya sa lamesa ang siopao na “parang ebidensiya sa krimen.”
Ang nasabing Threads post ay kasalukuyan nang umani ng 4.3K reactions, 183 comments, at 166 reshares.