May 04, 2026

Home BALITA National

Average supply ng langis sa bansa, aabot na lang sa 45 na araw—DOE

Average supply ng langis sa bansa, aabot na lang sa 45 na araw—DOE
Photo courtesy: Sharon Garin/FB, Unsplash


Isiniwalat ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na inaasahang tatagal na lamang sa loob ng 45 na araw ang suplay na langis ng bansa.

Kaugnay ito sa nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng mga bansa sa Middle East, na nagbubunga sa pagkaantala ng suplay at presyo ng langis hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo.

Sa isinagawang press conference ng DOE nitong Martes, Marso 24, ipinakita rin ni Sec. Garin ang araw na itatagal ng iba’t ibang klase ng krudo, base sa kasalukuyan nitong suplay.

“We are also working on trying to keep the supply also for the government to have a buffer,” saad ni Sec. Garin.

Narito naman ang inaasahang araw na itatagal ng iba’t ibang klase ng langis:

Gasoline – 53.14 araw

Diesel – 45.82 araw

Kerosene – 97.93 araw

Jet fuel – 38.62 araw

Fuel oil – 61.49 araw

LPG – 23.51 araw

Photo courtesy: DOEgovph/YT

“‘Yan po ‘yong status natin ngayon. If everybody remembers, the President announced we had about 55 or 57 days during the start of the conflict. But now, ganoon pa rin po ‘yong number of days natin kasi may nadadagdag  po na mga deliveries po galing po sa ating mga supplier countries like Korea, Japan, even China,” ani Garin.

“So, what else are we doing? We’re doing the…we’re also…through PNOC, we’re doing the procurement of additional buffers. Hindi po madali po kumuha ng buffer because it is very expensive,” dagdag pa niya.

Inihayag din ng kalihim na sinusubukan na rin ng Pilipinas na bumili ng 1 milyong bariles ng langis sa halagang higit ₱10 bilyon—na tatagal lang umano sa loob ng isang linggo.

"We are building our buffer despite the limitations… Our team is hard at work trying to make sure that kahit po isa o dalawang araw ‘yan, that is a very important addition para sigurado na our country does not run dry," anang kalihim.

Aniya pa, manageable pa ang suplay ng langis ng bansa.

Base naman sa pahayag ng Palasyo sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) noong Lunes, Marso 23, hindi pa naman daw humaharap sa “oil crisis” ang bansa.

“Ang nais pong sabihin ng Pangulo patungkol sa oil crisis, pinapatungkulan niya po doon ay ang oil crisis sa Middle East. Pero sa ngayon po, sa atin, at sa payo ni Secretary Garin sa ating Pangulo, wala pa po tayong maaaring tawaging oil crisis sa bansa,” saad ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro.

MAKI-BALITA: Malacañang, nanindigang wala pang krisis sa langis-Balita

Anang press officer, marahil ay “price disruption” ang nararanasan ng Pilipinas, at hindi isang krisis.

“So, ngayon po, kung pag-uusapan po natin ang suplay ay wala po tayong sasabihing krisis pagdating sa suplay. Maybe mayroon pong price disruption dahil nga po sa nangyayaring oil crisis sa Middle East. So, ‘yon po ‘yong pananaw ni Secretary Garin,” anang press officer.

MAKI-BALITA: Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo-Balita