May 21, 2026

Home BALITA National

Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo

Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo
Photo courtesy: RTVM/YT, Unsplash


Nagsalita na ang Malacañang hinggil sa suplay ng produktong petrolyong mayroon ang Pilipinas, at ang kasalukuyang pagtaas ng presyo nito bunsod ng patuloy na tensyon ng mga bansang nasa Middle East.

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) sa Villamor Air Base, sa Pasay City nitong Lunes, Marso 23, ibinahagi rin ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro ang dalawang klase ng krisis, base umano sa pahayag ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin.

“Ang sabi po kasi ni Secretary Sharon, mayroong dalawang klase po ng krisis: sa suplay at sa presyo,” panimula ni Usec. Castro.

Aniya, “So, ngayon po, kung pag-uusapan po natin ang suplay ay wala po tayong sasabihing krisis pagdating sa suplay. Maybe mayroon pong price disruption dahil nga po sa nangyayaring oil crisis sa Middle East. So, ‘yon po ‘yong pananaw ni Secretary Garin.”

Binuweltahan din niya ang mga nagsasabing dino-downplay umano ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa, sa gitna ng patuloy na giyera ng mga bansa sa rehiyon ng Gitnang Silangan.

“Wala naman tayong dino-downplay. Ito po kasi ‘yong totoong sitwasyon. Nagsusumikap po ang pamahalaan, sa utos ng Pangulo, na dapat hindi magkulang ang suplay ng produktong petrolyo, lahat ginagawa,” aniya.

“Nandiyan na rin po ang pagbibigay ng tulong ng DSWD, nandiyan po ang pagtatrabaho ng DOE, pati po ng DA at ibang ahensya—isama na po natin ang DSWD. So, in other words, ayaw po na maramdaman ng mga kababayan natin na may kulang tayo sa suplay. Kumpleto po ang supplies natin sa krudo, sa oil, sa fuel, pati po sa pagkain,” dagdag pa niya.

Iginiit din ng press officer na nakapokus umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga bunga ng nasabing hidwaan, kung ikukumpara sa ibang mga estado sa mundo.

“So, siguro po kung ikukumpara sa ibang bansa, mas nabibigyan po ng atensyon ng Pangulo na dapat na ang mga kababayan natin, kahit presyo po ay tumataas—dahil nga po ito ay dulot ng sigalot sa Middle East—gustong iparamdam ng Pangulo na kaya ng gobyerno, nandiyan ang gobyerno para sa taumbayan, at hindi po pababayaan ng Pangulo at ng gobyerno ang mga nararanasan natin,” anang press officer.

Sa parehong press briefing, nanindigan ang Palasyo na hindi pa humaharap sa “oil crisis” ang bansa.

“Ang nais pong sabihin ng Pangulo patungkol sa oil crisis, pinapatungkulan niya po doon ay ang oil crisis sa Middle East. Pero sa ngayon po, sa atin, at sa payo ni Secretary Garin sa ating Pangulo, wala pa po tayong maaaring tawaging oil crisis sa bansa,” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: Malacañang, nanindigang wala pang krisis sa langis-Balita

Inirerekomendang balita