Personal na sinalubong at kinumusta ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang mga OFW at kanilang dependents sa Villamor Airbase sa Pasay City nitong Lunes, Marso 23, matapos na ilikas kaugnay pa rin sa sigalot na nagaganap sa mga bansa sa Middle East, lalo na sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), nitong Lunes, Marso 23, ibinida nilang patuloy ang repatriation efforts at suporta para sa kaligtasan ng mga OFWs.
"Ligtas na nakauwi ang 343 repatriates na kinabibilangan ng 317 OFWs at 26 dependents mula sa Kuwait, Bahrain, Qatar, at Saudi Arabia sakay ng ika-4 na chartered flight na dumating sa Villamor Air Base, kasunod ng patuloy na hakbang ng pamahalaan upang tiyakin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa ilang bahagi ng Middle East," mababasa sa ulat.
"Kasabay ng personal na pagsalubong at pagkumusta sa mga dumating na repatriates, pinangunahan ni Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng tulong pinansyal, serbisyong medikal, at psychosocial support, kasama ang mga programang pangkabuhayan at reintegration," anila pa.
Kalakip ng post ang mga larawan ni PBBM habang nakikipagdaupang-palad sa repatriates.
Sinamahan si PBBM ng ilang miyembro ng kaniyang gabinete kagaya nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian, Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan.