May 22, 2026

Home BALITA

Palasyo, nilinaw presensya ng ilang mayor sa pamamahagi ng fuel subsidy sa NCR-based tricycle drivers

Palasyo, nilinaw presensya ng ilang mayor sa pamamahagi ng fuel subsidy sa NCR-based tricycle drivers
Photo courtesy: PCO


Nagbigay ng paglilinaw ang Malacañang hinggil sa pagpunta nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at San Juan City Mayor Francis Zamora sa unang araw ng pamamahagi ng ₱5,000 fuel subsidy para sa mga tricycle drivers sa Metro Manila kamakailan.

Kaugnay ito sa isang tanong na naibato kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro tungkol sa probisyon at implementasyon ng “Anti-Epal Policy.”

Sa ginanap na press briefing ng PCO sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong Lunes, March 23, sinagot ni Usec. Castro ang naturang katanungan.

“‘Yon po kasi ay isang event na kung saan pinuntahan po ng Pangulo, at kinakailangan po nandodoon po ang host—sa Manila po ginanap, kaya nararapat lamang po na si Mayor Isko Moreno ang sumalubong at tumanggap sa ating Pangulo,” sagot ni Usec. Castro.

“Patungkol naman po kay Mayor Francis Zamora, siya naman po ang National President of the League of Cities, na siyang kumakatawan sa city mayors. So, ibig sabihin po, since ito po ay proyekto ng Pangulo para sa mga tricycle drivers kung saan ang LGU mismo ang nakakaalam kung sino ‘yong mga benepisyaryo, nararapat lamang din pong pumunta si Mayor Francis Zamora,” dagdag pa niya.

Sa huling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot na sa 98,007 NCR-based tricycle drivers ang nakatanggap ng ₱5,000 fuel subsidy mula sa pamahalaan.

MAKI-BALITA: 98k tricycle drivers, nakakubra na ng ₱5k fuel subsidy-Balita

Samantala, matatandaang ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Enero 2026 ang polisiya hinggil sa “Anti-Epal Bill,” kung saan agarang pinatanggal ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang mga pangalan at larawang nakasalampak sa mga programang pampamahalaan.

MAKI-BALITA: May kilala ka bang epal? DILG, sinimulan na implementasyon ng 'Anti-Epal' policy!-Balita