May 21, 2026

Home BALITA

Transport group na ACTO, 'di mamamasada sa Marso 23 dahil sa presyo ng gas!

Transport group na ACTO, 'di mamamasada sa Marso 23 dahil sa presyo ng gas!
Photo courtesy: Manila Bulletin file photo

Magkakaroon ng nationwide transport holiday sa Lunes, Marso 23, 2026 ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay ACTO National President Libay de Luna, hindi na kinakaya ng kanilang sektor ang gastusin sa operasyon kaya napagpasyahan ang tigil-pasada.

“Talagang hindi namin kakayanin na. Kaya kami sa Lunes, magta-transport holiday kami nationwide. Hindi kami lalabas. Wala namang manggugulo. Para maiparamdam sa ating Presidente Marcos na kami talaga ay hirap na hirap na,” ani De Luna sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan para sa agarang pagbibigay ng fuel subsidy at tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Hinihiling din nila ang service contracts at moratorium sa mga bangko para sa mga transport cooperative na nahihirapang magbayad ng modern jeepney units.

Samantala, magsasagawa rin ng transport holiday ang Western Visayas Alliance of Transport Cooperatives and Corporations Inc. sa Iloilo City, kung saan inaasahang lalahok ang mahigit 1,000 traditional at modern jeepney drivers at operators.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Dahil dito, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Iloilo City sa araw ng Lunes. Maglalaan naman ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay para sa mga maaapektuhang pasahero.

Ayon sa mga grupo, layunin ng transport holiday na maiwasan ang tuluyang pagbagsak ng kanilang hanapbuhay at maprotektahan ang sektor ng transportasyon.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) na ipagpapaliban muna ang kanilang planong transport strike sa parehong araw.

Sa halip, makikipagpulong ang mga ito sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kasama ang iba pang transport groups, upang talakayin ang posibleng dagdag-pasahe at pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga driver ng jeepney, UV Express, at TNVS.