Muling itotodo ng SexBomb Girls ang paghataw sa “rAWnd 6” ng kanilang “‘Get Get Aw!” concert sa darating na Huwebes, Abril 30.
Ayon sa social media post ni SexBomb Girls leader, Rochelle Pangilinan, noong Sabado, Marso 21, gagaganapin ang “rAWnd 6” sa SMDC Festival Grounds, Parañaque City.
Aniya pa, lahat ng saya, luha, laban, at tagumpay mula rAWnd 1 hanggang rAWnd 5 ay dadalhin nila sa huling pasabog.
“Mula rAWnd 1 hanggang rAWnd 5… lahat ng saya, luha, laban, at tagumpay —dadalhin namin sa isang huling pasabog!” ani Rochelle.
Para masulit ng mga pinalaki ng SexBomb, tiniyak ni Rochelle na inaayos na nila ang mga upuan nito, mga portalet, at ang paglalagay ng fan o aircon para matiyak na malalamigan at maginhawaan ang mga ito habang nakikipagsabayan sa hatawan at puksaan.
Kaya ipinaalala niya sa fans na magbaon na sila ng extrang damit pamalit o towel na pagpupunasan ng pawis.
“Sa mga PINALAKI NG SEXBOMB. Wag kayong mag-alala. Inaayos na po namin ang mga upuan nyo (ang tuhod kasi); Portalet (ihiin na din kasi); Fan/ aircon-kung paano kayo malalamigan or ginhawa kahit outdoor. Magbaon lang ng extra damit pamalit or towel,” paalala ni Rochelle sa fans.
Kaya ang fans, sa kabilang banda, ay tila mga nagkumahog na para makapaghanda.
“Saan bibili ng ticket madam.”
“Pwede napo ba bumili ticket? Saan din po pwede bumili ticket sa sm pa rin po ba?”
“Ito na teee hahahaha.”
“Ipon na tayo huhu.”
Matatandaang unang rumatsada ang reunion concert ng SexBomb noong Disyembre 4, 2025 sa Araneta Coliseum, na agad nilang sinundan noong Disyembre 9 sa SM Mall of Asia (MOA) Arena.
Itinodo pa nila ang showdown hanggang sa “rAWnd 3, 4, at 5” sa MOA Arena din noong Pebrero 6, 7, at 8.
Bukod pa rito, umabot na rin ang “Get Get Aw!” concert nila sa Tacloban noong Marso 14, na kauna-unahang regional concert ng SexBomb.
MAKI-BALITA: Unang regional concert tour ng SexBomb, ihahataw na sa Marso!
Inaasahan pa itong sundan ng kanilang tour sa Cagayan de Oro sa darating na Sabado, Marso 28 sa kabila ng pagka-unsyami ng kanilang nakatakdang concert tour sa United Arab Emirates (UAE) bunsod ng nagpapatuloy na sigalot ng mga bansa sa Middle East.
MAKI-BALITA: ‘Pause lang, hinga muna!’ UAE Tour ng SexBomb Girls, rescheduled!