May 22, 2026

Home BALITA

Pinas, minamatahang maging sentro ng produksyon ng mga bala ng US-allies military partnership

Pinas, minamatahang maging sentro ng produksyon ng mga bala ng US-allies military partnership

Pinaplano umano ng United States na gawing sentro ng pagbuo ng mga bala ng military equipments ang Pilipinas—kasunod ng kasunduan nito sa iba pang allied countries sa pagbuo ng drones at missiles.

Ayon sa Pentagon noong Biyernes, Marso 20, 2026, nagkasundo ang US-led defense manufacturing partnership na maglunsad ng bagong programa para sa paggawa ng missile motor kasama ang Japan,upang palawakin ang kooperasyon sa drone sa buong Asia, at pag-aralan ang pagtatayo ng linya ng produksyon ng bala sa Pilipinas.

Ang Partnership for Indo-Pacific Industrial Resilience o PIPIR ay binubuo ng mga bansang nagtutulungan upang palakasin ang kakayahan sa paggawa ng armas at kagamitang pangdepensa sa Asia-Pacific region.

Itinatag ito ng United States noong Mayo 2024 upang mabawasan ang panganib sa supply chain at mapalapit ang produksyon at maintenance ng military equipment sa mga lugar kung saan ito kakailanganin.

Sa inilabas na joint statement matapos ang virtual meeting noong Miyerkules, Marso 18, inihayag na tinanggap ng grupo ang dalawang bagong miyembro—ang Thailand at United Kingdom—na nagdala sa kabuuang bilang sa 16 bansa mula sa Indo-Pacific at Europe.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Napagkasunduan din ng grupo na magtatag ng bagong programa para sa paggawa ng solid rocket motors, na ginagamit bilang propulsion system ng maraming guided weapons, kung saan mangunguna ang Japan.

Layunin nitong mapalakas ang kapasidad sa produksyon ng mahalagang bahagi ng armas sa labas ng US.

Sa usapin naman ng drones, naglatag ang mga kasapi ng mga hakbang upang makabuo ng iisang pamantayan at shared supply chains para sa maliliit na military drones sa rehiyon. 

Kabilang dito ang pag-develop ng mga baterya at maliliit na motor na ginagamit sa mga ito, gayundin ang posibilidad ng sama-samang paggawa ng drones para sa iba’t ibang gamit militar.

Samantala, sinabi rin ng grupo na kanilang sisiyasatin ang posibilidad na ang Pilipinas ang maging host ng isang pasilidad para sa pag-load, pag-assemble, at pag-package ng 30mm cannon rounds—isang uri ng bala na karaniwang ginagamit ng mga military aircraft at ground vehicles.