Nasa 12 mechanical ventilators ang itinurn-over ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa limang pagamutan sa Bohol upang mapalakas pa ang healthcare services sa lalawigan.
Ang mga naturang ventilators, na ipinamahagi sa pamamagitan ng Medical Equipment Donation Program (MEDP) ng PCSO, ay ipinagkaloob sa Garcia Memorial Provincial Hospital sa Talibon, Teodoro B. Galagar District Hospital sa Jagna, Cong. Simeon G. Toribio Memorial Hospital sa Carmen, Catigbian District Hospital, at Francisco Dagohoy Memorial Hospital sa Inabanga.
Ayon sa PCSO, ang Garcia Memorial Provincial Hospital ay tumanggap ng anim na units ng ventilators habang ang Teodoro B. Galagar District Hospital ay tumanggap naman ng tatlong units. Tig-isang unit naman ang natanggap ng natitira pang tatlong pagamutan.
Sa isang pahayag, sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na ang donasyon ay nagpapakita sa patuloy na pagsusumikap ng ahensiya na maihatid at mailapit pa ang de kalidad na government health services sa mga komunidad, partikular na sa mga lalawigan.
“Padala po ito ni President Ferdinand Marcos Jr.,” mensahe pa ni Robles, sa isinagawang turnover ceremony. “Laging bilin niya sa amin that government should go to the people.”
Aniya pa, “If the President says we have to love the Filipinos, we have to make sure na hindi mapupulitika ang healthcare. We give the equipment for medical mobility, regardless kung bumoto sa atin o hindi.”
Nabatid na ang mga idinonate na Resvent RV200 ventilators ay portable units na idinisenyo para sa iba’t ibang clinical settings, kabilang na ang bedside care at patient transport.
Mayroon rin itong 3-in-1 capability para sa neonatal, pediatric, at adult patients.
Anang PCSO, ang bawat unit ay mayroon ring multiple ventilation modes, real-time monitoring, touchscreen interface, battery backup, adjustable oxygen delivery, at built-in safety features, na makakatulong sa frontline health workers na mas mahusay na pangasiwaan maging ang mga critical respiratory cases.
Samantala, nabatid na bukod sa ventilators, nag-turn over rin ang PCSO ng tseke na nagkakahalaga ng P277,940.92, na kumakatawan sa lotto shares ng lalawigan ng Bohol para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2025.
“The turnover highlights PCSO’s continued effort to channel gaming revenues into programs that support public health and local development. For residents of Talibon, Jagna, Carmen, Catigbian, and Inabanga, the additional ventilators mean better-equipped hospitals and faster access to critical care closer to home,” anang PCSO.