Siniguro ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sapat pa ang suplay ng mga produkto para sa mga Pilipino, at nananatiling “stable” ang presyo ng mga ito.
Sa pagbisita ni PBBM sa Century Pacific Food Inc. sa Calamba Distribution Center nitong Biyernes, Marso 20, isiniwalat niyang pumayag naman ang mga pribadong sektor na huwag munang galawin ang presyo ng mga bilihin.
“Simple lang naman, nandito tayo upang tingnan ang suplay ng pagkain, ang presyuhan ng pagkain. Nilalapitan natin ang mga partner natin na food supplier para sa pang araw-araw ng taumbayan,” saad ni PBBM.
Aniya, “Nakita naman ninyo, 10% pa lang ito sa talagang stock. Ibig sabihin, hindi lamang ang Century, kung hindi ang iba’t ibang food processors at saka retailers ay maayos naman ang stock natin.”
“Bukod pa roon, sila naman ay pumapayag na keep the price—hindi tataas ang presyo hangga’t kaya nila. Siguro mga isang buwan, ‘yong iba baka dalawang buwan, hindi magagalaw ang presyo,” dagdag pa niya.
Giit pa ng Pangulo, hindi raw dapat mag-alala ang mga Pilipino sa suplay dahil patuloy nilang tinitiyak na sapat ito para sa lahat.
“Patuloy naman nating tinitingnan ang suplay. Ang suplay ay hindi kailangang mag-alala ang taumbayan. Ang food supply natin ay sapat, kahit na pangmatagalan,” anang Pangulo.
Pinasalamatan niya rin ang mga pribadong sektor na pumayag umanong huwag muna itaas ang presyo ng kanilang mga produkto.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) kamakailan, kinikilala nila ang krisis na nagaganap sa kasalukuyan, kung kaya’t maigting ang kanilang pagbabantay hinggil sa presyo ng mga pangunahing produkto para sa mga konsumer.
“We recognize the financial strain faced by consumers while also acknowledging the cost pressures confronting manufacturers. Our priority remains to ensure fair and reasonable pricing,” saad ni DTI Secretary Cristina Roque sa isang pahayag kamakailan.
Aniya, “The DTI remains committed to working closely with industry to ensure steady supply and stable prices of basic goods, protecting Filipino consumers at all times.”
Samantala, idiniin naman ng Philippine National Police (PNP) na sila ay katuwang ng DTI sa pagbabantay sa presyo at suplay ng mga produkto.
“We are coordinating with the DTI and the local government units on how the PNP could effectively assist on this aspect as part of our mandate to protect the interest of the people,” saad ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. sa isang pahayag noong Huwebes, Marso 19.
MAKI-BALITA: 'Let us not take advantage:' PNP, bantay-sarado sa presyo ng mga produkto-Balita