May 22, 2026

Home BALITA

‘Wala tayong magagawa diyan!' PBBM, nagkomento sa pagtaas ng presyo ng langis

‘Wala tayong magagawa diyan!' PBBM, nagkomento sa pagtaas ng presyo ng langis

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes, Marso 19, 2026,  na patuloy ang paghahanap ng pamahalaan ng alternatibong mapagkukunan ng langis sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon sa Pangulo, bagama’t limitado ang kakayahan ng bansa na kontrolin ang presyo ng langis, sinisikap ng gobyerno na matiyak ang sapat na suplay at humanap ng ibang mapagkukunan bukod sa mga bansang nasa Middle East.

“Sa pagkain, mas marami tayong magagawa, naghahanap kami ng paraan pa para ibaba ang presyo ng pagkain. Yung langis wala tayong magagawa diyan, pero at least yung supply tinitiyak natin na magkakaroon. Kahit may stock tayo, patuloy ang paghanap ng Pilipinas dahil kumukuha talaga tayo sa Middle East, naghahanap tayo alternative sources ng langis,” ani PBBM sa media.

Dagdag pa niya, patuloy ding gumagawa ng hakbang ang pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo sa kabuhayan ng mga mamamayan, partikular sa sektor ng transportasyon.

“We are adjusting well and we want to... ang talagang goal namin dito is to keep yung hanapbuhay ng tao, na mayroon silang hanapbuhay and the only way to do that is kung hindi natin, halimbawa yung transport workers, hindi itataas ang fare sa ngayon, deferred lang muna ang fare hike eh dadagdagan muna natin ang tulong sa kanila,” dagdag ng Pangulo.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Samantala, nagbabala ang Iran na maaaring umabot sa $200 kada bariles ang presyo ng langis matapos nitong isara ang Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta kung saan dumaraan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo.

Dahil dito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa bansa, kung saan ang ilan ay umaabot na sa halos ₱100 kada litro kasunod ng sunod-sunod na price adjustments ng mga kumpanya ng langis.

Sa kabila nito, tiniyak ng Pangulo na nananatiling maayos ang sitwasyon at wala umanong dahilan upang mag-panic buying o mag-imbak ng mga produkto ang publiko.