Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Martes, Marso 19, ang listahan ng taas-pasahe para sa mga pampublikong sasakyan bunsod ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Magkano na nga ba ang pamasahe sa pampublikong transportasyon?
Bagama’t iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pansamantalang suspensyon ng implementasyon ng pagtataas-pasahe nitong Huwebes, Marso 19, minamadali na ng Palasyo ang pagdadagdag ng tulong sa mga manggagawa sa sektor ng transport sektor bunsod ng kaliwa’t-kanang pagtaas ng mga produktong- petrolyo.
MAKI-BALITA: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!
Samantala, kaniya-kaniyang diskarte muna ang ilang drayber ng mga pampublikong sasakyan upang makatipid.
Ilan sa mga paraan nila ay ang hustong pagba-budget ng kanilang kita sa pagpapagasolina, maingat na pagsusukat ng laman ng krudo sa ginagamit na sasakyan, maiging pagsusuri ng langis ng makina, at pagbibilang ng mga baryang panukli bago umarangkada sa biyahe.
MAKI-BALITA: Ilang jeepney drivers at riders, todo-tipid na dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina
Kasabay pa nito ang unti-unti nang nararamdaman ng pagpasok ng tag-init sa bansa, na tiyak ay magiging karagdagang dagok para sa maraming mamamayan, dahil sa mga muling pagtataas na mararanasan, hindi lamang sa krudo, kung hindi maging sa kuryente at tubig.
Kaya narito ang ilang “tipid tips” sa kasagsagan ng tag-init at mga taas-presyo:
Tamang setting ng aircon
Ipinayo ng DOE noong Lunes, Marso 16, na para sa mga mamamayang gumagamit ng aircon, makakatipid ang mga ito ng hanggang ₱300 kada buwan kung itatakda ang temperatura nito sa 24°C o mas mataas kaysa sa mas malamig na setting na 20–22°C.
Ito’y dahil sa mas mababang temperature setting, mas mataas ang nagiging konsumo ng kuryente dahil pinipilit ng aircon na palamigin at temperatura sa silid.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Tamang setting ng aircon para makatipid ng hanggang ₱300 kada buwan
Limitahan ang outdoor activities sa “peak heat hours”
Ayon sa mga pag-aaral, ang init ng araw ay pinakamalakas sa pagitan ng 10 ng umaga hanggang 4 ng hapon.
Kaya ipinapayo na bawasan o iwasan ang paglabas sa mga oras na ito, at kung kinakailangan talagang may lakarin, mas mainam itong gawin ng maaga o paglubog ng araw.
Buksan ang bintana upang makapasok ang preskong hangin
Ayon sa mga pag-aaral, kung nasa lugar na malinis at mas malamig-lamig ang simoy ng hangin, mainam na buksan ang bintana ng bahay upang magkaroon ng maayos na ventilation rito.
Saad naman ng Department of Health (DOH), nakatutulong rin ang paggamit ng mamasa-masang towel o cooling spray upang mapababa ang temperatura ng katawan, at maiwasan ang sobrang paggamit ng tubig at kuryente.
Tanggalin sa plug ang appliances kung hindi ginagamit
Ipinapayo rin ng mga eksperto na iwasang iwanan sa saksakan ng kuryente ang appliances at gadgets kung hindi na ito ginagamit upang hindi na makadagdag pa sa bill na binabayaran.
Bilisan ang pagligo
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang pagbabawas ng isa hanggang sa dalawang minutong pagligo ay nakatutulong upang makatipid ng hanggang 568 litro ng tubig kada buwan.
Sa ilang pag-aaral, ipinapayo ang paglalagay ng bubble wrap insulator sa roofline ng bahay dahil nakatutulong itong mabawasan ang init na papasok sa loob ng bahay.
Diligan ang mga halaman bago pa ang matinding sikat ng araw
Ipinapayo rin na mas mainam ang pagdidilig ng mga halaman sa umaga, bago ang mataas na sikat ng araw at sa gabi kung saan nakababa na ito, upang mas umabot pa sa mga ugat nito ang moisture ng tubig at maiwasan ang “water loss” dala ng evaporation.
Ikonsiderang lumipat sa LED Lighting
Ayon sa ilang pag-aaral, kumpara sa tradisyunal na ilaw na kumukunsumo ng 60-100 watts, ang LED bulbs ay gumagamit lamang ng hanggang 8 hanggang 12 watts.
Kaya bukod sa tipid ito sa kuryente, tumatagal pa ito ng higit 25,000 oras.