May 21, 2026

Home BALITA

'Tao!' Forensic expert Raquel Fortun, iginiit na hindi mukhang corned beef ang Negros 19!

'Tao!' Forensic expert Raquel Fortun, iginiit na hindi mukhang corned beef ang Negros 19!
Photo courtesy: File photo

Nanawagan ang forensic expert na si Raquel Fortun sa publiko na tigilan ang paggamit ng salitang “corned beef” bilang bansag sa mga napapatay sa operasyon ng militar kontra New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental noong Abril 19, 2026.

Ayon kay Fortun, hindi dapat gawing biro o katawagan ang mga bangkay ng mga nasawi, lalo na’t tao ang mga ito na may pamilya at dignidad.

“They don't look anything like corned beef. Take it from me, because I see a lot of dead bodies. You know what they look like? Tao. People. People with injuries, people who were killed,” pahayag ni Fortun sa media nitong Huwebes, Mayo 7.

Dagdag pa niya, nakababahala umano na tila nagiging normal na lamang sa ilan ang mararahas na insidente sa bansa.

“Paulit-ulit na lang na nangyayari ito sa bansa, so please step up. Everybody step up. Nakakahiya naman tayo,” saad pa niya.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Lumutang ang isyu matapos mag-viral sa social media ang paggamit ng ilang netizens ng salitang “corned beef” upang tukuyin ang mga nasawi sa engkwentro sa Toboso, na iniuugnay umano sa mga miyembro ng NPA.

Dahil dito, umani ng iba’t ibang reaksiyon ang pahayag ni Fortun, kung saan marami ang sumang-ayon na dapat pairalin ang respeto sa mga nasawi anuman ang kanilang pagkakakilanlan o pinaniniwalaan.

Matatandaang inulan ng kontrobersiya ang naturang operasyon ng militar kontra sa umano’y hanay ng NPA matapos mapatay ang ilang sibilyan at estudyante. 

Kaugnay nito, nilinaw rin ng CPP na tanging 10 katao lang daw ang opisyal na miyembro ng kanilang NPA habang 9 ang nadamay na sibilyan, taliwas sa ulat ng militar na pawang ang 19 na katao ay mga rebelde. 

KAUGNAY NA BALITA: CPP-NPA, iginiit na 10 lang ang miyembro sa 19 na napatay ng militar; 9 katao, sibilyan!

Nagpapatuloy naman ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa pagkamatay ng 19 katao kung saan nilinaw ng Palasyo na hindi nila hahadlangan ang Komisyon sa anumang hakbang na ikakasa nito.

KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, hindi pipigilan imbestigasyon ng CHR sa engkuwentro sa Negros Occidental