May 21, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Paano ipinagdiriwang ng mga kapatirang Muslim ang Eid al-Fitr?

ALAMIN: Paano ipinagdiriwang ng mga kapatirang Muslim ang Eid al-Fitr?
Photo courtesy: Arnold Quizol/MB

Eid Mubarak!

Matapos ang isang buwang pag-aayuno mula takipsilim hanggang madaling-araw, minamarkahan ng mga Muslim sa iba’t ibang parte ng mundo ang pagtatapos nito sa pamamagitan ng isang masigabong selebrasyong tinatawag na “Eid al-Fitr.” 

Ang Eid ay panahon upang magpahayag ng pasasalamat, pagkakawanggawa, at muling pagkonekta sa mga kaanak. 

Paano ito ipinagdiriwang? 

Ang araw ng Eid al-Fitr o “the Feast of Breaking the Fast” ay ipinagdiriwang sa unang araw ng Shawwal, ang ika-10 buwan sa Islamic lunar calendar. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Ang Eid ay kadalasang sinisimulan bago sumikat ang araw, kung saan maagang gumigising ang mga Muslim upang idasal ang kanilang morning prayer na “Fajr” bago ang mga paghahanda sa selebrasyon. 

Sinusundan ito ng ceremonial cleansing ng katawan na tinatawag ding “Ghusl.” 

Matapos nito, nagsusuot ng malinis at bagong damit ang isang indibidwal at naglalagay ng pabango o “Itr.” 

Bago rin magtungo sa mosque, ang mga Muslim ang kumakain ng matatamis na pagkain tulad ng dates, na nagsisilbing opisyal na simbolo ng pagtatapos ng pag-aayuno sa Ramadan. 

Isa pa sa mga nakagawiang gawin ng mga Muslim bago magsimula sa kanilang espesyal na panalangin sa Eid ay ang charity donation na “Zakat al-Fitr” bilang tulong at pagkakawanggawa sa mga nangangailangan. 

Matapos ng kanilang charity donation, ang mga Muslim ay nagtitipon sa mosque upang mag-alay ng kanilang dasal na tinatawag ding “salat al-eid”  na sinusundan ng sermon o mensahe mula sa imam, na kadalasang paalala tungkol sa pagpapatawad, kapayapaan, pagpapasalamat, at pagpapatuloy ng disiplinang nakagawian noong panahon ng Ramadan. 

Dahil isa sa mga importanteng selebrasyon sa Islam ang Eid, maraming pamilya ang naghahanda ng espesyal nilang dessert tulad ng Baklava, na kilalang handa sa Middle East, Sheer Khurma naman sa South Asia, at Rendang sa Southeast Asia. 

Sa selebrasyon din ng Eid, bumibisita ang ilan sa iba nilang mga kaanak at mga kaibigan. 

Kasama rin dito ang pagbisita sa puntod ng mga pumanaw nang mahal sa buhay. 

Ang mga bata naman ay kadalasan ding nakakatanggap rito ng iba’t ibang regalo tulad ng mga bagong damit, alahas, at laruan. 

Bukod sa mga nakagawiang dala ng kultura at tradisyon, ang Eid ay nagsisilbing tulay upang pagbuklurin ang mga komunidad at palaganapin ang pagkakaintindihan, pagkakaisa, at pagiging mabuti sa bawat isa. 

Nakatakdang selebrasyon ng Eid al-Fitr ngayong 2026

Opisyal na inanunsyo ng Malacañang noong Huwebes, Marso 12, na regular holiday ang darating na Marso 20 bilang komemorasyon sa Eid al-Fitr ngayong 2026. 

Ito rin ay bilang pakikiisa sa komunidad ng mga Muslim at pagpapahayag ng respeto at pagkilala sa mga tradisyon at kontribusyon nito sa bansa.