May 22, 2026

Home BALITA

Akbayan Youth bumwelta sa fare hike suspension ni PBBM: 'Hindi sapat, gawing libre LRT, MRT, bus rides!’

Akbayan Youth bumwelta sa fare hike suspension ni PBBM: 'Hindi sapat, gawing libre LRT, MRT, bus rides!’
Photo courtesy: Akbayan Youth/FB, Bongbong Marcos/FB


Pinatutsadahan ng grupong Akbayan Youth ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pansamantalang pagpapaliban ng taas-pasahe sa mga pampublikong transportasyon sa bansa.

MAKI-BALITA: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!-Balita

Sagot ng grupo, hindi sapat ang pagsususpinde sa fare hike, bagkus dapat na magkaroon daw ng libreng sakay sa mga bus, sa LRT, at sa MRT.

“Hindi sapat ang fare hike suspension! Gawing libre ang LRT, MRT, at bus rides!” saad ng Akbayan Youth sa isang pahayag.

Anila, “Hindi sapat ang ‘no fare hike’ kung patuloy namang sumisirit ang presyo ng krudo. Sa ganitong kalagayan, ipinapasa pa rin ang bigat ng krisis sa mga komyuter at drayber na pareho nang hirap na hirap na makaraos araw-araw. Ang pagpigil sa taas ng pasahe nang walang sapat na suporta ay hindi solusyon; ito ay pansamantalang pagtatakip lamang sa mas malalim na problema.”

Giit pa ng Akbayan Youth, nararapat lamang daw na magbaba si PBBM ng mga konkretong hakbang kung talagang may malasakit umano ito sa taumbayan.

“Kung tunay na may malasakit ang administrasyon, dapat itong maglatag ng agarang at konkretong hakbang,” anang Akbayan Youth.

“Dahil dito ang panawagan ng Akbayan Youth ay magdeklara ng fuel emergency upang mapakilos ang sapat na pondo at mekanismo para protektahan ang publiko, at buwisan ang pinakamayayaman upang pondohan ang direktang subsidyo para sa mga komyuter at transport workers, dahil hindi makatarungan na ang mga nasa laylayan na naman ang unang nagsasakripisyo sa krisis na hindi naman sila ang may gawa,” anila.

“Tiyakin na magkakaroon ng libreng sakay sa MRT at LRT pati na rin sa mga bus carousel at hikayatin ang mga LGU na magpatupad ng libreng sakay lalo na sa mga probinsya at siguruhin na magbibigay ng agarang subsidyo sa lahat ng transport workers nang walang pinipili, walang burukrasya at walang naiiwan,” dagdag pa nila.

“Kung seryoso ang gobyerno na pigilan ang taas-pasahe, dapat nitong siguraduhin na hindi rin lulubog sa utang at gutom ang mga drayber, pasahero, at transport groups. Hindi dapat ang mga mamamayan ang nagsasakripisyo para sa isang krisis na bunga ng pandaigdigang tunggalian at lokal na kapabayaan. Panahon na para akuin ng pamahalaan ang responsibilidad at maglatag ng tunay na solusyon at agarang aksyon!” pagtatapos ng Akbayan Youth.

Samantala, inanunsyo naman ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes, Marso 19, na magkakaroon ang MRT-3 at LRT-2 ng 50% discount sa pamasahe nito simula sa darating na Lunes, Marso 23.

MAKI-BALITA: 50% na diskwento sa MRT-3 at LRT-2 para sa lahat ng pasahero, epektibo sa Lunes!-Balita