May 21, 2026

Home BALITA

Cebuano, wagi ng ₱100M jackpot prize sa UltraLotto 6/58

Cebuano, wagi ng ₱100M jackpot prize sa UltraLotto 6/58
FILE PHOTO BY JANSEN ROMERO (MANILA BULLETIN)

Isang Cebuano ang nagwagi ng tumataginting na ₱100.3 milyong jackpot sa UltraLotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa lotto draw nitong Martes ng gabi, Marso 17.

Sa abiso ng PCSO nitong Miyerkules, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lotto winner ang winning combination na 29-52-49-55-25-09 ng UltraLotto 6/58 na may katumbas na premyong ₱100,331,631.91.

Ayon sa PCSO, nabili ng lucky winner ang kaniyang lucky ticket sa isang lotto outlet sa Cebu City.

Pinayuhan naman ng PCSO ang lucky winner na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City.

Kailangan din niyang iprisinta ang kaniyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.

‘Ang healthcare ay hindi lang propesyon!’ 2 nurse, tinulungan manganak isang ginang sa kalsada

Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.

Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Muli rin namang hinikayat ni PCSO General Manager Mel Robles ang publiko na tangkilikin ang PCSO games upang mas marami pa silang matulungang mga kababayan nating nangangailangan.

Ang UltraLotto 6/58 ay binubola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.