May 21, 2026

Home BALITA Metro

‘Iwas amoy mandirigma!’ Shower rooms para sa mga siklista, bukas na!

‘Iwas amoy mandirigma!’ Shower rooms para sa mga siklista, bukas na!
Photo courtesy: MMDA (FB)

Binuksan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes, Marso 17, ang kanilang bagong shower facilities para sa mga siklista sa Metro Manila. 

Ibinahagi ng MMDA sa kanilang pahayag na binubuo ng apat na shower rooms ang nasabing Bike-to-Work End-of-Trip (EoT) Facilities sa Motorcycle Riding Academy (MRA) na matatagpuan sa Pasig City. 

Isa rito ay para sa kalalakihan, isa para sa kababaihan, at dalawa naman ang all-gender rooms upang matiyak na komportable, inklusibo, at accessible ang shower rooms para sa lahat ng siklista. 

Kabilang din sa bagong bukas na pasilidad ang iba pang essential amenities tulad ng bike rack at changing spaces. 

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layon ng inisyatibang ito na hikayatin ang publiko, partikular ang mga manggagawa na magkaroon ng mas sustainable at adaptable na transportasyon.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

"Kami dito sa MMDA ay gumagawa ng programa at asahan n’yo po na maglalagay pa kami ng mga similar facilities all over Metro Manila para matulungan ang mga kababayan na nagbibisikleta lalo na ‘yung mga pumapasok sa trabaho at opisina,” ani Artes. 

Pagsegunda naman ni MMDA General Manager Nicolas Torre III, layon din ng inisyatibang ito protektahan ang kapakanan ng mga siklista.

Parte rin daw ito ng kanilang planong gawing “bike-friendly” ang mga lungsod upang mas mapabuti ang sistema ng transportasyon sa bansa. 

Bilang karagdagang suporta, nag-donate din ng hygiene supplies tulad ng sabon, shampoo, at 1,000 towels ang kompanyang Republic Gas Corp. (Regasco). 

Samantala, layon din ng MMDA makipagtulungan sa iba pang pampribadong sektor para sa subsidiya ng tubig at kuryente sa pasilidad. 

Tinitingnan din ng ahensya ang posibilidad ng 24/7 operation upang marami pang siklista ang mapagsilbihan dahil sa kasalukuyan, tinatayang 1,700 siklista ang dumadaan sa kahabaan ng EDSA araw-araw. 

Para sa monitoring at seguridad, ang mga nais gumamit ng pasilidad ay kinakailangang magrehistro bago libreng makapasok rito. 

Kasama naman sa inagurasyon nitong Marso 17 ang mga miyembro ng iba’t ibang cycling and mobility advocacy community tulad ng MNL Moves, Move As One Coalition, Sakay PH, Make It Safer Movement, Bicycle Friendly Philippines, Tiklop Society of the Philippines, Siklista Pilipino, Firefly Brigade, East Side Riders Marikina, Renacimiento Manila, Happy Pedal Project, at National Bicycle Organization, bilang pagsuporta sa inisyatiba ng MMDA.