Inanunsyo ng Malacañang na aabot sa halos 1,000 na mga Pilipino mula sa Middle East ang makakauwi na sa Pilipinas ngayong linggo.
Kaugnay ito sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan—partikular na ang mga bansang Israel at Iran.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Marso 17, idiniin ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ito ay parte ng nagpapatuloy na repatriation process ng pamahalaan para sa mga Pilipinong naipit sa nasabing girian.
“Repatriation efforts ng pamahalaan sa gitna ng kaguluhan sa Middle East, nagpapatuloy. Inaasahang aabot sa halos 1,000 mga Pilipino ang makakauwi na sa bansa ngayong Linggo—bilang bahagi ng repatriation efforts ng pamahalaan,” saad ni Castro.
“Ayon sa pinakabagong tala, umabot na 769 Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang mga kaanak mula sa [United Arab Emirates] UAE, Israel, Qatar, Bahrain, Jordan, at Lebanon ang nakauwi sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan,” aniya.
“Inaasahan din na may karagdagang 120 OFWs at kanilang mga kaanak ang makakauwi sa Huwebes; kung kaya’t maaaring umabot na sa 889 Filipinos ang makakauwi sa bansa,” dagdag pa niya.
Pagkumpirma pa ng press officer, dalawa pang charter repatriation flights ang nakatakda sa bansang UAE at Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
“Ang paglikas ng ating mga kababayan ay pinag-iisipan, pinaplano nang may talino, at hindi haka-haka o hula-hula lamang,” anang press officer.
Aniya, “Taliwas sa sinasabi ng mga kritikong walang kontribusyon o ambag sa mga hakbang ng gobyerno, nagtatrabaho po ang Pangulo.”
“Patuloy na inuuna ng pamahalaan ang kapakanan ng ating mga kababayan na naiipit sa gulo sa Gitnang Silangan—hindi ang pansariling interes ng ilan,” pagtatapos niya.
Matatandaang kamakailan, iniulat din ng Department of Migrant Workers (DMW) na aabot sa 1,315 na mga Pinoy mula sa Middle East ang napauwi na ng pamahalaan sa bansa mula Marso 5 hanggang 14.
“May kabuuang 1,315 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang dependents na naapektuhan ng krisis sa Middle East ang natulungan na ng pamahalaan mula March 5 hanggang March 14, 2026,” saad ng DMW.
MAKI-BALITA: Higit 1.3k Pinoy na apektado ng girian sa Middle East, naiuwi na sa bansa—DMW-Balita