Naghandog si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng isang offer para sa drayber ng riding-in-tandem na kumitil sa buhay ng security escort niya na si George Capistrano.
Sa isinagawang “Talk to the People” ni Mayor Isko nitong Lunes, Marso 16, inilahad niya rin ang kaniyang pakikiramay sa nasabing biktima.
“Una ako’y taos-pusong nakikiramay sa pamilya ni George. Kami pong lahat ay nalulungkot. But then again, we have to move on with our lives, and to bring justice to George Capistrano and his family, and to the other victims of riding-in-tandem robbery holdup,” saad ni Mayor Isko.
Ani Mayor Isko, binibigyan niya lamang ng dalawang araw ang nasabing drayber upang sumuko sa mga awtoridad.
“Mga kababayan, o sinuman, o baka nanonood ka ngayon, tinatawagan ko ng pansin ang pamilya, asawa, o nanay, o tatay nitong drayber ng motor. ‘Yang dalawang suspek, ‘yan pong naka-maong, nakasakay sa motor, tinatawag ko ang iyong atensyon, at ang kaniyang pamilya,” ani Mayor Isko.
Giit niya, “Ang inyong lingkod ay nag-aalok sa’yo ng ₱500,000 for you if you surrender. And if you surrender, iaalok din namin sa’yo ang isang batas na maaaring makapagbigay ng proteksyon sa iyo under RA No. 6981, o ito iyong tinatawag na ‘Witness Protection Security and Benefit Act.’”
“So, doon sa lalaking nakaupo sa motor, kung ‘yong asawa mo, kung nanonood ka man ngayon at asawa mo ito, I am now giving you 48 hours to respond to our offer. Binibigyan kita ng pagkakataong sumuko within 48 hours, plus makakakuha ka pa ng ₱500,000, plus posible ka pang mabigyan ng proteksyon under existing law,” dagdag pa niya.
Lahad pa ng mayor, magpapatuloy daw ang normal na paghahanap ng mga pulis sa mga suspek, kung hindi man rumesponde ang drayber sa naturang alok.
“After 48 hours, wala na po tayong magagawa kundi ‘yong normal na trabaho ng pulis. We will not stop… hahanapin namin kayo. We’ll make sure, as I have promised and committed to the people of Manila, kapag ginawa ninyo sa Maynila, hahalughugin namin ang buong bansa,” anang mayor.
Ayon pa kay Mayor Isko, kahit gaano pa katagal, titiyakin nila na mapapanagot ang mga pumatay kay Capistrano.
Pinag-iingat din niya ang mga pulis na humahanap sa naturang suspek, at sinisiguro na patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad hinggil sa pagpatay.
MAKI-BALITA: Security escort ni Mayor Isko, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem-Balita