Bago magtapos ang nagdaang taon, iniulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) noong Disyembre 2025 na 15% lamang ng mga mag-aaral na nasa baitang isa hanggang tatlo ang may kakayahang bumasa base sa kanilang “grade level.”
Sa madaling salita, 85% ng mga nasabing estudyante ang nahihirapang bumasa.
Dahil dito, naging maugong ang panawagan kaugnay sa pangangailangan ng mga aklat, “training” para sa mga kaguruan, at suporta mula sa mga magulang.
MAKI-BALITA: ‘This is a national crisis!’ 85% ng Grades 1 to 3 learners sa bansa, ‘struggling readers’-Balita
Kaugnay nito, naglabas naman ng panibagong tala ang EDCOM 2 ngayong Marso 2026, hinggil sa porsyento ng mga mag-aaral na nahihirapan pa ring bumasa.
Ngunit sa talang ito, nahahati na ang porsyento base sa dibisyong kinabibilangan ng bawat estudyante.
Sa pinakahuling pag-aaral ng EDCOM 2, ibinunyag nila ang 10 dibisyon sa Pilipinas na nakapagtala ng pinakamataas at pinakamababang porsyento ng mga “struggling readers” sa buong bansa, na nakabase sa isinagawa nilang Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA) sa unang bahagi ng School Year (SY) 2025-2026.
Sampung (10) dibisyon na may pinakamataas na bahagdan ng “struggling readers”
1. Tawi-Tawi (75.60%)
2. Maguindanao del Norte (65.38%)
3. Special Geographic Area [North Cotabato] (64.49%)
4. Zamboanga City (60.72%)
5. Sarangani (60.57%)
6. Sulu (59.63%)
7. Maguindanao del Sur (58.46%)
8. Lamitan City (57.77%)
9. Basilan (57.59%)
10. Davao Occidental (57.17%)
Sampung (10) dibisyon na may pinakamababang bahagdan ng “struggling readers”
1. Sto. Tomas City (23.42%)
2. Batanes (24.38%)
3. Bohol (25.46%)
4. Mt. Province (26.32%)
5. Valenzuela City (27.44%)
6. Cavite City (29.58%)
7. Tuguegarao City (29.87%)
8. Malolos City (30.09%)
9. Leyte (30.80%)
10. Carmona City (31.19%)
Ayon sa ulat ng Department of Education (DepEd), ang CRLA ay isang inisyatibong naglalayong solusyunan ang “learning gaps” sa mga estudyante nang mas maaga.
Giit pa nila, ang ito raw ay isang mekanismo na nagsisilbing tulay upang mabigyan ng “intervention” ang “learning disparities” ng mga kabataan na sanhi ng iba’t ibang salik tulad ng “different linguistic backgrounds” at “school readiness levels.”