“Hay nako, tinitingnan ko pa lang ‘yang mga numero, nahihilo na agad ako.”
Mapa-estudyante man o kaya’y propesyunal, hindi mawawala ang mga todo kung umiwas tuwing computation at mathematical problem-solving na ang pinag-uusapan.
Dahil para sa marami, bukod sa mahirap intindihin, kadalasa’y komplikado at binubuksan pa nito ang ilang negatibong alaala tulad ng pagkakaroon ng mababang grado sa klase, pagkapahiya sa kasagsagan ng pagsagot ng isang math problem, o kaya’y katakot-takot na mga sermon ng mga magulang dahil dito.
Maths Anxiety
Ayon sa University of Cambridge, ang pakiramdam na ito ay naiuugnay sa isang uri ng pagkabalisang tinatawag na “Maths Anxiety” na isang negatibong reaksyon sa paksang matematika.
Ang kalubhaan nito ay posibleng sumaklaw mula sa mild tension hanggang sa masidhing pagkabalisa o pagkatakot sa anumang math problems.
Saad sa pag-aaral na ito, ang Maths Anxiety ay hindi lamang limitado sa classroom setting o mga pagsusulit, ito rin ay maaaring makita sa malawak pang sitwasyon, kung saan ang ilan ay umiiwas sa mga sitwasyong kinakailangan nilang humarap sa matematika, hanggang sa pag-iwas sa mga trabahong lubos itong ginagamit.
Ano ba ang dulot nito?
Ayon sa pag-aaral ng National Numeracy, habang ang Maths Anxiety ay mayroong iba-ibang manipestasyon sa bawat indibidwal, narito ang ilang dahilan na kadalasang nagiging dulot nito:
- Mga sitwasyong nagdudulot ng mataas na pressure tulad ng takot sa panghuhusga ng ibang tao base sa kakahayang mag-solve ng math problem.
- Cultural bias o pagkakaroon ng impresyon mula sa kinalakhang kultura na ang isang partikular na kasarian o nasyonalidad ay may likas na mababang abilidad sa matematika.
Mga senyales ng Maths Anxiety
Dahil dito, ilan pa sa mga senyales na mayroon nito ang isang indibidwal ay ang mga sumusunod:
- Pakiramdam ng pagpapanic o stress
- Pakiramdam ng frustration o hirap sa pagtutuon ng pansin sa pagkakalkula
- Mabilis na pagtibok ng puso, pagpapawis, at nausea o pagduwal
Habang ang Maths Anxiety ay hindi basta naisasaayos, may ilang paraan ang mga eksperto upang makatulong sa kumpiyansa ng isang indibidwal na kaharapin ang anumang bagay na may kaugnayan sa matematika.
Kaya pa sa National Numeracy, nakatutulong sa Maths Anxiety ang mga sumusunod:
- Pagkilala sa emosyon at tandaan na hindi nagtatagal ang negatibong nadarama.
- Pagbibigay ng oras sa sarili at paglayo sa sitwasyon na kinauugnayan ng matematika bago ito muling harapin at i-solve.
- Tandaan na ang pagiging magaling sa matematika ay hindi “instant” bagkus, kinakailangan nito ng maraming oras at practice.
- Magpaturo sa iba pang kakilala na mas marunong at huwag mahiyang magtanong sa mga hindi naiintindihan.
- Magkaroon ng panibagong perspektiba tungkol sa mga numero at anumang math problems.