Nagbigay ng pahayag si Vice President Sara Duterte kaugnay sa anibersaryo ng pagkakakulong ng ama niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Sa latest Facebook post ni VP Sara nitong Miyerkules, Marso 11, sinabi niyang paalala umano ito na ang batas ay hindi dapat ginagamit bilang sandata para sa politika o personal na interes.
Aniya, “Ang pagyurak sa karapatan ng isang indibidwal sa pamamagitan ng mga iregular na proseso ay hindi lamang pag-atake sa katarungan; ito ay hamon sa ating pambansang soberanya.”
“Ang isang tunay na malayang bansa ay pinapatakbo ng sariling mga institusyon na malaya mula sa anumang panlabas na panghihimasok o dikta,” dugtong pa ni VP Sara.
Kaya naman umapela siya sa publiko na mantiling mapagmatyag.
“Ang anibersaryong ito ay isang panawagan para sa ating lahat na manatiling mapagmatyag. Kailangang manatiling malaya, tapat, at matatag ang ating mga institusyon laban sa anumang pagsubok na baluktutin ang hustisya,” anang Bise Presidente.
Kasalukuyang nakapiit ang dating Pangulo sa The Hague dahil sa kaso niyang crimes against humanity.
Matatandaang kamakailan lang ay tuluyan nang pinagtibay ng (ICC) Appeals Chamber ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na manatili siya sa kulungan.
Samantala, inalala rin ng kapatid ni VP Sara na si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang isang taong pagkakakulong ng kanilang ama.
Kaugnay na Balita: Rep. Pulong, inalala anibersaryo ng pagkakakulong ni Digong