Posible nga bang mamatay ang isang tao dahil lang sa chikinini o love bite?
Binalikan ng mga netizen ang isang matagal nang balita tungkol sa isang 17 taong gulang na lalaking nagngangalang "Julio Macias Gonzalez" matapos ma-stroke at mamatay dahil sa iniwang chikinini ng kaniyang kasintahan sa kaniyang leeg.
Nangyari ang insidente sa bansang Mexico, noon pang 2016.
Muli itong ibinalita sa Facebook page na "What Now Dailies" nitong Sabado, Marso 7, na talaga namang umani ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
Marami kasing hindi makapaniwalang ang simpleng chikinini, na kadalasang "itinatanim" ng isang tao sa kaniyang partner sa kanilang intimate moments, ay puwede palang maging dahilan para mawalan ng buhay.
Mababasa sa mismong post as is published: "Ang sanay matamis na sandali ay nauwi sa bangongot ng bawian ng buhay ang isang 17 anyos na lalaki mula sa Mexico na kinilalang si Julio Macias Gonzalez itoy matapos syang atakihin ng stroke dulot ng blood clot na sanhi ng labis na pagsipsip sa kanyang leeg ng kanyang girlfriend."
Sa pagpapatuloy, "Ayon sa mga espesyalista, napakabihirang makamatay ang chikinini. Gayunpaman, kung masyadong malakas ang pagsipsip sa leeg, posible itong bumuo ng blood clot na maaaring humantong sa stroke at kamatayan."
"Nagbabala ang mga doktor sa publiko na mag ingat at iwasan ang labis na paghigpit sa leeg lalo nat mapanganib ang bahaging ito ng katawan dahil sa maraming mahahalagang daluyan ng dugo."
"Bagamat bihira itong mangyari, mas mainam pa ring mag ingat upang maiwasan ang mga posibleng panganib," anila pa.
Photo courtesy: Screenshot from What Now Dailies/FB
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"well, from health standpoint, this is basically a clogged [blood clot]."
"huwag na kasi magtanim ng chikinini hahaha."
"Lah legit yan tawa tawa kayo pero napakarare, nagcacause ng blood clot malapit panaman sa utak pag nabarahan kht isang ugat n ppaunta utak stroke abot mo."
"Hayan hindi pala safe hahahaha..."
"Naku, ititigil ko na nga, hindi pala okay 'yan hahaha."
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 25k laugh reactions, 3.9k shares, at 1.6k comments ang nabanggit na post.
FACT CHECK: TALAGA BANG NANGYARI ITO?
Kung titingnan ang write-ups ng iba't ibang international news outlets, totoong nangyari ang pagkamatay ni Gonzales noong 2016 dahil sa chikinini.
Naniniwala raw ang mga doktor na ang pagsipsip mula sa hickey o love bite ang nagdulot ng pamumuo ng dugo na umabot sa utak ni Gonzalez at naging sanhi ng stroke, ayon sa ulat ng Independent at ng lokal na media sa Mexico.
Nakararanas ng kombulsyon ang binatilyo habang kumakain ng hapunan kasama ang kaniyang pamilya matapos siyang makipagkita sa kaniyang 24-anyos na kasintahan. Kalaunan ay namatay siya.
Sinisi ng mga magulang ng binatilyo ang kaniyang kasintahan sa pagkamatay nito, at pinaniwalang nagtago ang babae sa takot sa mga magulang ng kaniyang boyfriend.
Ayon sa pamilya mula sa borough ng Iztapalapa, sinabi nila sa lokal na media na hindi sila sang-ayon sa pitong taong agwat ng edad ng kanilang anak at ng kaniyang kasintahan, ngunit tumanggi umano ang binatilyo na makipaghiwalay sa babae.
NAKAMAMATAY BA TALAGA ANG CHIKININI O LOVE BITES?
Batay sa iba't ibang health-related articles na nalathala at panayam sa mga espesyalista, bagama't itinuturing na "fun" ang pagkakaroon ng chikinini lalo na sa mga mag-partners, may posibilidad na makasama ito sa kalusugan ng isang tao.
Ayon sa "WebMD," ang senaryong ito ay napakabihira ngunit posibleng makamatay ang isang hickey o love bite kung ito ay magdudulot ng pamumuo ng dugo (blood clot) na maglalakbay patungo sa puso o utak, na nagiging sanhi ng stroke o atake sa puso.
Bagama't ang hickey ay simpleng pasa lamang (broken blood vessels), ang matinding pagsipsip sa leeg ay may panganib sa kalusugan.