Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na manatiling mapagmatyag laban sa Rabies kahit bumaba ng 65% ang naitalang kaso nito sa unang dalawang buwan ng 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon sa DOH nitong Sabado, Marso 7, 2026, umabot lamang sa 17 kaso ng rabies ang naitala mula Enero 4 hanggang Pebrero 21, 2026.
Mas mababa ito kumpara sa 49 kaso na naitala sa parehong monitoring period noong 2025.
Batay sa datos ng ahensya, halos pareho ang bilang ng mga kaso na may kinalaman sa mga alagang hayop at mga ligaw na hayop.
Sa kabuuang bilang, 13 kaso o 76% ang nagmula sa mga hayop na hindi nabakunahan laban sa rabies.
Nagpaalala naman si Teodoro Herbosa, kalihim ng DOH, na hindi dapat maging kampante ang publiko sa kabila ng pagbaba ng mga kaso.
"We shouldn't be complacent kasi may rabies pa rin, at ang rabies ay deadly. 'Pag ikaw nagka-rabies, once the symptoms start, almost 100% ang mortality. [This is] very important," ayon kay Herbosa.
Kaugnay ng pagdiriwang ng Rabies Month ngayong Marso, pinayuhan ng DOH ang publiko na sundin ang ilang hakbang upang makaiwas sa sakit.
Kabilang dito ang pagpapabakuna ng mga alagang hayop kada taon, regular na pagkonsulta sa beterinaryo, at agarang paghuhugas ng sugat gamit ang sabon at malinis na tubig sa loob ng 15 minuto kung makagat ng hayop bago magtungo sa DOH-certified animal bite center para sa bakuna.
Pinayuhan din ang publiko na sundin ang itinakdang iskedyul at tamang dose ng post-exposure vaccine laban sa rabies.
Samantala, ibinahagi rin ni Herbosa na inaprubahan na ng PhilHealth Benefits Committee ang pagtaas ng coverage para sa rabies post-exposure prophylaxis.
Sa kasalukuyan, umaabot na hanggang ₱5,850 ang saklaw ng PhilHealth para sa enhanced animal bite package na kinabibilangan ng post-exposure prophylaxis, wound care, tetanus toxoid at anti-tetanus serum, antibiotics, at iba pang medical supplies.