March 08, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga benepisyong dapat natatanggap ng mga babaeng manggagawa

ALAMIN: Mga benepisyong dapat natatanggap ng mga babaeng manggagawa
Photo courtesy: Unsplash

Babae ka! Hindi babae lang. 

Ang kababaihan, bukod sa pagluluwal ng buhay sa mundo, ay tinagurian ding haligi ng lipunan dahil sa kanilang ambag sa pagpapayabong ng mga komunidad at industriya. 

Ayon sa pag-aaral ng American Psychological Association (APA), ang presensiya ng kababaihan sa kanilang trabaho ay nakatutulong upang mabasag ang stereotypes o pagkakahon ng kakayahan ng isang indibidwal base sa kasarian nito. 

Ipinapakita rin dito na ang kababaihan ay may kakayahang manguna sa pagbabago sa sistema ng leadership sa pamamagitan ng malinaw na komunikasyon at pagiging inspirasyon sa iba na sumunod sa misyon nilang ito. 

Kaya sa Pilipinas, narito ang ilan sa mga benepisyong inilatag ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang babae, na hindi lamang kumikilala sa kanilang kakayahan, ngunit tumutugon din sa mga pangangailangan nito. 

Human-Interest

17-anyos na lalaki, namatay dahil sa chikinini; bakit?

MATERNITY LEAVE

Ang Maternity Leave benefits ay paid leave credits na ibinibigay sa mga babaeng manggagawang nanganak, nakunan, o nagkaroon ng emergency termination ng pagbubuntis. 

Ayon sa Republic Act 11210 o ang “105-Day Expanded Maternity Leave Law,” saklaw nito ang 105 araw ng leave credits na may buong bayad at may opsyon pang extension nang karagdagang 30 araw nang wala namang bayad. 

Ayon pa rito, ang babaeng solo parent ay may karagdagan pang 15 araw ng leave credits na may buong bayad. 

SPECIAL LEAVE 

Ang Special Leave benefit ay ibinibigay sa babaeng manggagawa na sumailalim sa operasyon dulot ng gynecological disorder o mga kondisyong nakaaapekto sa female reproductive system. 

Ang benepisyong ito ay binubuo ng dalawang buwang leave credits na may kasamang buong bayad mula sa kompanya, kinakailangan lamang rito ang medical certificate na magsisilbing beripikasyon ng nasabing operasyon, mula naman sa empleyado.

VAWC (Violence Against Women and Children) Leave

Ang VAWC Leave benefits ay extended sa mga babaeng manggagawang naging biktima ng karahasan sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.” 

Sa leave credit na ito, pinahihintulutan ang manggagawa na mag-leave ng 10 araw, na may karampatang buong bayad mula sa kompanya. 

Base pa sa batas, ito ay maaaring ma-extend kung kinakailangan pa ng manggagawa. 

Bukod pa rito, layon din ng paid leave na ito na magsilbing oras ng personal recovery ng manggagawa. 

Iba pang karapatan para sa mga babaeng manggagawa: 

LACTATION STATION

Mandato sa ilalim ng Republic Act 10028 o ang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009” ang pagkakaroon ng dedikadong lactation stations sa mga institusyon at pasilidad ng mga kompanya. 

Saad pa rito, ang bawat lactation station ay dapat mayroong lavatory para sa paghuhugas ng kamay, refrigeration o storage ng breastmilk, electrical outlets upang saksakan para sa ilang kagamitan tulad ng breast pumps, komportableng mga upuan at maliit na lamesa. 

Isa pa sa binanggit ay hindi dapat nakalagay sa lactation station sa banyo. 

LACTATION BREAK 

Base rin sa Republic Act 10028, ang Lactation Break ay paid at compensated na karapatan ng mga manggagawang babae na kapapanganak pa lamang o may anak na pinapasuso. 

Ayon dito, sa loob ng walong oras na pagtatrabaho ng manggagawa, ang nasabing break ay binubuo ng 40-minuto, na maaaring mahati-hati sa maliliit na break upang mapasuso ang sanggol nito. 

Ang schedule at interval nito ay maaari pa ring ma-adjust base sa pangangailangan ng manggagawa, trabaho, at operation requirement ng kompanya, o kaya’y base sa mapagkakasunduan nito sa employer. 

Sean Antonio/BALITA