Ngayong Women's Month, bukod sa mga tanyag at matatapang na kababaihan sa mundo, muli nating balikan at pagnilayan ang kuwento ng ilang kababaihan sa Bibliya—mga babaeng nagpamalas ng katapangan, pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng kanilang mga pinagdaraanan.
Sila rin ay may kahalintulad sa mga kababaihan sa kasalukuyan na dumaranas ng mga pagsubok, may mga pangamba at kahinaan, ngunit patuloy na naninindigan at nagtitiwala sa Diyos.
SARAH
Isa sa mga tanyag na Bible character ay si Sarah, asawa ni Abraham. Matagal silang naghintay sa pangako ng Diyos na magkakaroon sila ng anak.
Marahil sa mata ng tao, ito ay impossible dahil nasa 100 taong gulang na si Abraham at 90 taong gulang naman si Sarah.
Kung kaya'y may pagkakataon na siya ay nagduda at natawa nang sabihin ng Diyos na sila ay bibiyayaan pa sila ng anak.
Ngunit sa kabila nito, tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangako nang ipanganak si Isaac.
Isabuhay natin na may mga pangako ang Diyos na tila imposible sa ating mata, ngunit sa buhay ni Sarah, ipinakita na ang Diyos ay tapat sa Kaniyang mga Salita.
Kaya kung tayo ay may ipinapanalangin sa Kaniya, tayo ay magtiwala lang kahit hindi pa natin nakikita ang katuparan nito.
Sanggunian: Genesis 12-23
RAHAB
Si Rahab ay kilala dahil sa kaniyang pananampalataga at katapangan. Hindi siya perpekto at mayroon siyang masalimuot na nakaraan dahil kilala siya bilang isang prostitute.
Ang kuwento niya ay nagsimula nang marinig niya ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos, naniwala at kumampi siya sa kaniyang bayan.
Siya ang tumulong sa mga espiya ng Israel at iniligtas mula sa panganib.
Dahil sa kaniyang pananampalataya, siya at ang kaniyang pamilya ay naligtas nang bumagsak ang Jericho.
Ang kuwento ni Rahab ay nagpapatunay na anuman ang ating nakaraan, tayo ay kayang gamitin ng Panginoon. Hindi ito magiging hadlang. Kapag tayo ay lumapit sa Kaniya nang may pananampalataya, kaya Niyang baguhin ang direksyon ng ating buhay at maging pagpapapala sa mga tao.
Sanggunian: Joshua 2, Joshua 6
HANNAH
Malalim ang panalangin ni Hannah, ang magkaroon ng anak. Dumaan siya sa kalungkutan dahil hindi siya magkaroon ng anak at nakaranas pa ng pangungutya.
Dahil sa kaniyang pinagdaraanan, lumapit siya sa Diyos at ibinuhos ang kaniyang puso't panalangin.
Hindi siya nabigo. Narinig ng Diyos ang kaniyang hinaing at pinagkalooban siya ng anak, si Samuel, na naging isang propeta.
Ang panalangin ay hindi lamang pagsasabi ng ating mga pangangailangan sa Diyos, ito ay ang pagbubukas ng ating puso sa Kaniya.
Ang kuwento ni Hannah ay nagpapakita na ang Diyos ay nakikinig sa mga panalanging nagmumula sa pusong tapat at mapagpakumbaba.
Lagi nating tandaan na walang imposible sa Diyos.
Sanggunian: 1 Samuel 1-2
ABIGAIL
Kilala si Abigail sa Bilbliya dahil sa mahinahong salita at matalinong pagkilos.
Ang asawa niyang si Nabal ay gumawa ng isang desisyong nagdulot ng galit kay David. Para hindi na lumala pa ang sitwasyon, kumilos si Abigail nang may karunugan at kababaang-loob upang mawala ang galit ni David.
Dahil sa kaniyang pagkilos, naiwasan ang pagdanak ng dugo at nailigtas ang kaniyang sambahayan.
Ipinapakita ng buhay ni Abigail na ang mahinahong salita at matalinong pagkilos ay maaaring magdala ng kapayapaan sa gitna ng galit.
Sa kasalukuyan, tayo ay huwag magpadalos-dalos at huwag agad magpapadala sa isang sitwasyon. Bagkus ay huminahon, mag-isip nang maayos at kumilos nang may talino.
Sanggunian: 1 Samuel 25
RUTH
Kung usaping "katapatan," isa sa magandang halimbawa si Ruth.
Sa kabila ng pagkawala ng kaniyang asawa at ang kaniyang pagiging dayuhan sa Israel, pinili niyang manatili kasama ang kaniyang biyenang si Naomi.
Ang kaniyang mga salitang “kung saan ka pupunta ay pupunta rin ako” ay nagpapakita ng kaniyang malalim na katapatan at pagmamahal.
Sa huli, pinagpala siya ng Diyos at naging bahagi siya ng lahi ni David at ni Hesus, nang makilala at mapangasawa niya si Boaz, na naging pagpapala rin sa kaniya.
Ang kuwento ni Ruth ay nagpapaalala na ang Diyos ay tapat sa mga taong nananatiling tapat sa Kaniya.
Ang pagiging tapat natin kahit sa maliit na bagay ay nagbubukas ng pintuan ng malalaking pagpapala ng Diyos na buhay.
Kung kaya tayong pagkatiwalaan ng Diyos sa maliit na bagay, paano pa sa malalaking bagay?
Sanggunian: Aklat ng Ruth
ESTHER
Makikita sa buhay ni Esther ang pambihirang katapangan. Siya ay isang babaeng Hudyo na naging reyna sa Persia.
Nagkaroon ng panganib sa mga Hudyo at nang malaman ito ng kaniyang pinsan na si Mordecai, hinimok niya si Esther na lumapit sa hari upang ipagtanggol ang kanilang bayan, kahit na mapanganib ito at maaaring buhay ni Esther ang kapalit.
Gayunpaman, pagkatapos ng panalangin at pag-aayuno, nagsalita siya nang buong tapang sa harap ng hari. Ipinahayag din niya ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan.
Dahil sa kaniyang katapangan at pananampalataya, nailigtas ang lahat ng Hudyo.
Ang buhay ni Esther ay nagbibigay-aral na ang tapang, pananampalataya, at paggamit ng posisyon ay para ipagtanggol kung ano ang tama.
May mga pagkakataon sa ating buhay na ilalagay tayo ng Diyos sa isang posisyon o sitwasyon hindi para sa ating sarili, kundi upang maging daluyan ng kapayapaan at pagliligtas sa ibang tao.
Gamitin natin ang ating boses at lakas ng loob para ihayag at gawin ang tama.
Sanggunian: Aklat ng Esther
DEBORAH
Si Deborah ang tila nagpapatunay na ang babae ay hindi babae lang.
Siya ay isa sa mga hukom ng Israel na ginamit ng Diyos upang pamunuan ang mga Israelita sa panahon ng digmaan. Sa kaniyang pananampalataya at pamumuno, nagtagumpay ang Israel laban sa kanilang mga kaaway.
Bagama't maikli ang kaniyang kuwento, ipinakita sa kuwento ni Deborah na ang pamumuno ay hindi nakabatay sa kasarian o katayuan sa lipunan, kundi sa pagtawag ng Diyos.
Isa rin itong paalala sa atin na maaaring gamitin ng Diyos ang sinuman basta siya ay handang sumunod sa Kaniya.
Sanggunian: Judges 4-5
MARY at MARTHA
Sa isang pagkakataon nang bumisita si Hesus sa kanilang tahanan, si Martha ay abala sa paghahanda at paglilingkod, samantalang si Mary ay naupo sa paanan ni Hesus upang makinig sa Kaniyang pagtuturo.
Ipinapakita sa buhay ni Martha ang pagpapakita ng kaniyang pagnanais maipakita ang paggalang sa Panginoon. Ngunit sa gitna ng kaniyang pagiging abala sa maraming gawain, sinabi ni Hesus na si Mary ay pinili ang mas mabuting bahagi, ang pakikinig sa Kaniyang salita at pag-upo sa Kaniyang presensya.
Sa buhay naman ni Mary, siya ay mapagnilay at nakatuon sa Panginoon. Ipinakita rin niya ang malalim na pagsamba kay Hesus nang ibuhos niya ang mamahalin na pabango sa paa ng Panginoon bilang tanda ng kaniyang pagmamahal.
Ang buhay nina Martha at Mary ay nagbibigay ng balanse sa ating pananampalataya.
Si Martha ay paalala na mahalaga ang paglilingkod. Habang si Mary naman ay nagtuturo na ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ang pundasyon ng lahat ng ating ginagawa.
Paalala lamang nito na hindi sapat ang pagiging abala sa paglilingkod kung nababalewala ang oras ng pakikinig sa Kaniyang salita at pag-upo sa Kaniyang presensya.
Sanggunian: John 12:1-8
SAMARITAN WOMAN
Siya ang unang saksi sa kaniyang bayan patungkol kay Hesus. Siya ang babaeng may magulong nakaraan dahil marami siyang naging asawa.
Sa isang pagkakataon, nakatagpo niya si Hesus sa balon habang umiigib ng tubig. Alam ni Hesus ang kaniyang buhay at ang kaniyang puso nang walang panghuhusga.
Naantig ang babae at naniwala kay Hesus. Siya ang unang saksi at ibinalita ang tungkol sa Panginoon. Isa rin siya sa mga dahilan kung bakit maraming Samaritano ang naniwala.
Ang kuwento ng Samaritan Woman ay nagbibigay sa atin ng aral na kahit sino, anuman ang nakaraan, ay maaaring makatagpo na bagong buhay kay Hesus.
Sanggunian: John 4
MARY (INA NI HESUS)
Si Mary ang dalagang pinili ng Diyos upang maging ina ni Hesus, ang tagapagligtas.
Nagpakita siya ng pananampalataya at pagsunod nang tanggapin niya ang mensahe ng anghel na siya ay magsisilang ng sanggol sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ang kuwento ni Mary ay madalas nating marinig sa mga simbahan bilang halimbawa ng kahandaan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang lahat ng mangyayari.
Sanggunian: Luke 1-2
Sa kabuuan, ilan lamang sila sa mga kababaihan sa Bibliya na nagpapakita na ang tunay na lakas ay hindi lamang nasusukat sa tapang o kakayahan, kundi sa pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon.
Ang mga pinagdaanan nila ay maaari ring mapagdaanan o pinagdaanan ng mga kababaihan sa kasalukuyang panahon.
Laging tandaan: HINDI KA BABAE LANG, BABAE KA.
Happy Women's Month!