March 07, 2026

Home BALITA Probinsya

Mayor Leni, iniutos 'emergency fuel cuts' sa Naga bunsod ng US-Israel, Iran war

Mayor Leni, iniutos 'emergency fuel cuts' sa Naga bunsod ng US-Israel, Iran war
Photo courtesy: Mayor Leni Robredo/FB, Unsplash


Nagbaba si dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo ng isang executive order (EO) na nag-uutos ng isang “emergency fuel cuts” para sa kaniyang nasasakupan, bunga ng lumalalang tensyon sa mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan.

Ayon sa EO No. 12, Series of 2026, sinasakop ng nasabing direktiba ang lahat ng city departments sa buong Naga, tugon sa umano’y pandaigdigang krisis sa enerhiya.

Minamandatuhan din ang lahat na iprayoridad ang paggamit ng “essential vehicles” at pagsasagawa ng “active transport” upang matiyak na patuloy ang delivery ng “vital services” sa gitna ng nasabing krisis.

Base pa sa nasabing order, ito raw ay nakalinya sa abiso ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC), kung saan inuutusan ang lahat ng ahensya ng gobyerno at Local Government Units (LGU) na mag-implementa ng minimum 10% na pagbawas sa “fuel consumption” upang masiguro ang “national energy security.”

Photo courtesy: Mayor Leni Robredo/FB

Matatandaang inudyukan na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng government offices na magtipid sa paggamit ng enerhiya.

“We have given instructions to all government offices to find ways to save energy. This is also my call to the public. Let’s find ways to reduce our use of all sources of energy,” ani PBBM sa isang press briefing noong Martes, Marso 3.

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa Four-day workweek proposal: ‘Maaaring pag-aralan ng Pangulo’-Balita

Samantala, inanunsyo rin ng Department of Energy (DOE) na posible raw sumipa sa ₱90 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo, bunsod ng patuloy na girian sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

MAKI-BALITA: Presyo ng produktong petrolyo, posibleng sumipa nang hanggang ₱90/L dahil sa sigalot sa Middle East-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA