Inanunsyo ng bus company na Victory Liner, Inc. magsasagawa sila ng ilang mga hakbang hinggil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Kaugnay ito sa biglaang pagratsada ng presyo ng mga produkto ng petrolyo, bunga ng patuloy na tensyong nagaganap sa mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Sa ibinahaging pahayag ng Victory Liner sa kanilang Facebook page nitong Miyerkules, Marso 4, inisa-isa nila ang mga naturang “measures” na ikakasa ng kanilang kompanya.
“Dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng supply ng diesel sa aming kumpanya na umabot sa ₱15 bawat litro, ang Victory Liner ay magpapatupad ng ilang fuel-saving measures upang mapanatili ang operasyon ng kumpanya at maipagpatuloy ang serbisyong inaasahan ninyo mula sa amin,” panimula ng Victory Liner.
Anila, “Simula ngayon, bubuksan lamang ang makina at air-conditioning ng bus limang (5) minuto bago ang nakatakdang oras ng pag-alis ng biyahe. Gayundin, pansamantalang papatayin ang makina at air-conditioning ng bus sa mga stopover upang makatipid sa konsumo ng krudo.”
Giit nila, ito raw ay makatutulong upang matiyak nila ang pagbibigay ng ligtas at maayos na serbisyo para sa kanilang mga pasahero.
“Ang mga hakbang na ito ay ginagawa upang matulungan ang kumpanya na manatiling matatag sa gitna ng pagtaas ng presyo ng diesel, habang patuloy naming naibibigay ang ligtas, maayos, at maaasahang serbisyo na kilala sa Victory Liner,” anila.
Nanghingi naman ang bus company ng pasensya at pang-unawa bunsod ng mga nasabing hakbang.
“Lubos po kaming humihingi ng inyong pang-unawa at kaunting pasensya sa panahong ito. Malaki ang aming pasasalamat sa inyong patuloy na pagtitiwala at suporta,” anang bus company.
“Maraming salamat po at magandang biyahe sa inyong lahat,” pagtatapos nila.
Photo courtesy: Victory Liner, Inc./FB
Samantala, ibinahagi rin nila sa isang hiwalay na pahayag nitong Miyerkules, Marso 4, na pansamantala rin daw nilang ititigil ang kanilang “free rides” o “bus pass privileges,” dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Photo courtesy: Victory Liner, Inc./FB
Vincent Gutierrez/BALITA