March 08, 2026

Home BALITA

Jam Magno, Cherry White, at iba pang influencers, kakasuhan dahil sa pagsuporta ng online sugal

Jam Magno, Cherry White, at iba pang influencers, kakasuhan dahil sa pagsuporta ng online sugal
Photo courtesy: CICC/FB


Inanunsyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na tuloy ang paghahain ng mga kaso laban sa 10 social media influencers na umano’y sumusuporta sa illegal online gambling, kabilang na ang social media personality na si Jam Magno.

Sa ikinasang joint press conference ng CICC, Philippine National Police (PNP-ACG), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Digital Pinoys nitong Miyerkules, Marso 4, isiniwalat ni CICC Executive Director Usec. Aboy Paraiso na pormal na nilang isusumite sa PNP-ACG ang mga dokumento para sa karampatang aksyon.

“Narito po tayo upang isumite ang bunga ng isang buwang masusing imbestigasyon, mga dokumentasyon na magsisilbing bala upang mapalakas ang ating mga kaso laban sa mga digital influencers na walang pakundangang nagpo-promote pa rin ng mga hindi regulated na gambling sites,” ani Paraiso.

Aniya, “Ngayong araw, pormal nating ibibigay ang mga ito sa PNP-ACG para sa nararapat at mabilis na aksyon. Tapos na ang araw ng babala, oras na mapanagot sila.”

Pinangalanan din ni Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo ang mga nadawit na influencers na umano’y sumusuporta sa online sugal.

“Nandiyan po si Perkz Gaming, Jessica Magno, si Vic Desucatan, Wampipti, Princess Solomon, Norme Garcia, Cherry White, Girl Tapang Vlogs, Al Moralde, at Bemaks TV Fam,” saad ni Gustilo.

Aniya, nai-endorso na rin daw sa Meta ang pages ng mga naturang influencer upang ganap na itong ma-take down.

“So, ito pong top 10 influencers na ‘to ay endorsed na rin po sa Meta for page takedown… and they are also endorsed already to PNP Anti-Cybercrime Group for case build-up,” aniya.

Lalaking humambalos at pumatay sa isang pusa, guilty sa kasong 'Animal Cruelty'

Giit pa niya, “Wala ho tayong ano dito, itutuloy-tuloy ho talaga natin ito para masugpo po talaga natin itong illegal online gambling. We gave them a fair warning; we gave everyone a fair warning. Napakatagal na po itong kampanyang ito… napakatagal na ho ng babala pero hindi pa rin ho sila tumitigil. So, talaga hong kailangan ho we have to hurt them where it hurts the most ‘no.”

“So, we are planning our next step kung papaano pa po i-intensify ‘yon hong ating kampanya, siyempre with the help of CICC, PAGCOR, and PNP-ACG,” pagtatapos niya.

Nilinaw naman ni PAGCOR Senior Vice President for the Security and Monitoring Cluster Raul Villanueva kung paano ba maituturing na ilegal ang isang gambling site.

“‘Yong illegal sites kasi, ito ‘yong walang lisensya sa amin. ‘Pag walang lisensya sa amin kung titingnan n’yo ‘yong website namin, nasa website namin ‘yong mga legal sites… ‘yong lisensyado namin,” ani Villanueva.

Giit naman ng CICC, hindi sila titigil hangga’t hindi nawawakasan ang “online gambling epidemic.”

Paalala pa nila sa publiko, huwag magpadala sa mga mapanlinlang na kinang ng pera sa social media—dahil ang tunay raw na jackpot ay ang seguridad at kaligtasan ng bawat isa.

Vincent Gutierrez/BALITA